ERC sa BBM admin: Nuclear power magpapababa sa singil

ERC sa BBM admin: Nuclear power magpapababa sa singil

June 27, 2022 @ 12:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa incoming Marcos administration na maaaring makapagpababa sa halaga ng kuryente sa Pilipinas ang idagdag o isama ang nuclear energy sa power mix ng bansa.

Tinanong kasi si ERC chairperson Agnes Devanadera kung ano ang kanyang mairerekumenda sa susunod na administrasyon upang matugunan ang kasalukuyang problema sa power supply sa bansa.

“Kailangan ma-determine ng pamahalaan ano talaga ang energy mix. Anong percent ang renewable energy, anong percent ang coal, anong percent ang biomass? Isama na ang nuclear kasi ang hinahanap natin ay reliable and reasonably priced source of energy,” ani Devanadera.

“Ang nuclear, isa yan sa posibleng makapagpababa ng ating cost ng kuryente at ‘yan naman, iba ang technology sa nuclear. Hindi naman kailangan katulad ng Bataan Nuclear Power Plant na pagkalaki-laki. Meron na tayong modular na mas madaling itayo,” dagdag na pahayag nito.

Ang pahayag na ito ni Devanadera ay matapos na ilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon Grid sa ilalim ng yellow alert status noong nakaraang linggo.

Ang yellow alert status ay palatandaan na ang grid ay mayroong manipis na reserves base sa pagkakaiba sa pagitan ng “supply and demand,” na mayroong 11,959 megawatts na available capacity kumpara sa 11,350 megawatts peak demand.

Gayunman, pinaalalahanan ni Devanadera ang administrasyong Marcos na ang paglalagay ng bagong sources ng energy gaya ng nuclear power ay maaaring matagalan habang ang demand-side management ay kailangan. Kris Jose