Eskinita sa Navotas, pinasabugan ng pill box bomb

Eskinita sa Navotas, pinasabugan ng pill box bomb

April 23, 2022 @ 3:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isang malakas na pagsabog ang bumulabog sa mga naninirahan sa isang eskinita, na natuklasang likha ng inihagis na pill box bomb, Biyernes ng hapon sa Navotas City.

Kaagad namang nai-post sa social media account na facebook ng Navotas City ng isang residente ang pagsabog sa kanilang eskinita dakong alas-2:10 ng hapon.

Dahil dito, agad iniutos ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging kay P/Maj. Felix Venancio Rivera, ang hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) na magsagawa ng pagsisiyasat sa naturang insidente upang alamin kung sino ang may kagagawan ng paghahagis ng pill box bomb at kung ano ang motibo rito.

Kasama ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Division (EOD), Intelligence Section at San Roque Police Sub-Station, nagtungo ang grupo ng mga pulis sa naturang lugar at dito nila nakita ang hindi naman kalakihang pinsala na idinulot ng pagsabog.

Sa ulat naman ni P/Lt. Luis Rufo, OIC ng Intelligence Section kay Col. Ollaging, walang iniulat na nasaktan sa naturang insidente bagama’t inaalam pa nila kung sino ang may kagagawan sa paghahagis ng pill box bomb na posibleng mai-uugnay sa riot ng mga magkakalabang gang ng mga kabataan sa lugar. Boysan Buenaventura