ESTILO NI GEN. ESTOMO, TATATAK SA NCRPO

ESTILO NI GEN. ESTOMO, TATATAK SA NCRPO

February 18, 2023 @ 12:27 PM 1 month ago


ISA na siguro sa hindi malilimutang opisyal na namuno sa National Capital Region Police Office si PMGen. Jonnel Estomo dahil sa kanyang inilunsad na mga programang naglalayong labanan ang lahat ng uri ng krimen na naging matagumpay halos lahat.

Pag-upo pa lang ni Estomo bilang regional director ng NCRPO noong Agosto, 2022, inilatag na kaagay niya ang S.A.F.E. NCRPO, isang paraan upang matiyak na mabibigyan ng kaligtasan at proteksyon ang bawat komunidad laban sa mga masasamang elemento ng lipunan.

Ang S.A.F.E. NCRPO na may kahulugang Seen, Appreciated, Felt by the people thru Extraordinary action at nakita at naramdaman ng komunidad kaya naman nakilala kaagad dahil nga sa kasipagan ng mga tauhan ng top cop ng NCRPO.

Sabi ni Esto, tawag sa heneral, sa naturang programa, mararamdaman at makikita ng taumbayan ang paglilingkod ng mga pulis para tiyaking ligtas ang pamayanan sa anomang oras.

“Habang mahimbing na natutulog ang mamamayan, kailangang gising, nagtatrabaho at naglilingkod ang mga pulis para mahuli ang mga kriminal na naghahasik ng lagim sa pamayanan pati na ang mga nagpapakalat at nagbebenta ng iligal na droga,” ayon kay Estomo.

Bukod sa SAFE NCRPO, inilunsad din ni Estomo ang SAFEApp na isang epektibong sistema, gamit ang makabagong teknolohiya, para madaling makarating sa pulisya ang sumbong, reklamo at iba pang nangyayaring krimen sa paligid na nasaksihan ng mamamayan.

Bukod sa proyekto, maraming katangian ang heneral na pinakamataas sa NCRPO at isa na rito ang pagiging transparent o bukas sa pananaw at kaalaman ng publiko, hindi lamang ang mga accomplishments o matatagumpay na operasyong inilunsad ng pulisya laban sa kriminalidad, kundi maging ang mga nangyayaring krimen sa paligid ng Kamaynilaan.

Naging kostumbre na kasi ng iba’t-ibang distrito ng pulisya na itago hanggga’t maaari sa mga mamamahayag ang nagaganap na malalagim na krimen sa kanilang nasasakupang lugar upang hindi ito malaman ng publiko.

Dahil sa makabagong teknolohiya, kadalasan ay nalalaman na rin publiko kung may malagim na krimen kaya’t nagiging viral sa social media.

Kabilang pa sa magandang katangian ni Estomo ang pagkakaloob ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga mamamahayag na laging katuwang ng pulisya sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko sa mga ginagawang aksiyon ng mga pulis at pagdakip sa mga taong sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen.

At bukod sa mga mamamahayag, nagbibigay din si Estomo ng kasiyahan sa kanyang mga tauhan, kasama ang mga non-uniformed personnel, tulad na lamang ng itinaguyod niyang paligsahan sa Larong Pinoy at Dance Challenge nito lamang Araw ng mga Puso.

Siyempre, may tinanggap na premyong salapi mula sa NCRPO chief at sa kanyang may-bahay na si Dra. Lorena Estomo bukod pa sa mga nanalo ng karne ng baka, pansit, buhay na manok at kambing sa top performers.

Tunay na kalugod-lugod, hindi lamang sa publiko kundi lalo na sa pulis ang estilo ng pamumuno ni Estomo kaya tiyak na hahanap-hanapin ang kanyang pamamaraan kapag nilisan niya ang NCRPO patungo sa mas mataas na posisyon.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.