Caloocan City – Arestado ang 16-anyos na estudyante na hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos mahulihan ng marijuana ng mga awtoridad sa Caloocan City.
Batay sa ulat, dakong alas-3 ng madaling araw, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-2) kasama ang mga barangay tanod ng Brgy. 56 sa kahabaan ng 8th Avenue coner Baltazar St. nang maispatan ng mga ito ang dalawang grupo ng kalalakihan na nagrarambulan.
Nang papalapit na ang mga pulis ay mabilis nagpulasan ang mga nagrarambulan sa magkakahiwalay na direksyon subalit, nagawang madakma ni Brgy. 56 EX-O DaniloPerez at B/T Eladio Delimon ang suspek na itinago sa pangalang “Roger” ng 7th Avenue.
Nang kapkapan, narekober sa suspek ang 11 heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at coin purse na may laman P80.
Ayon kay Brgy. EX-O Perez, mga kapwa niya umano estudyante ang binibentahan ng suspek ng marijuana at isa rin itong pasaway sa kanilang lugar dahil palagi na itong narereklamo sa barangay. (Rene Manahan)