Estudyante ng UM patay sa hazing

Estudyante ng UM patay sa hazing

September 19, 2022 @ 5:19 PM 2 weeks ago


DAVAO CITY – Kumpirmadong patay ang isang 4th year Criminal Justice Education student mula sa University of Mindanao dahil sa di-umano ay hazing incident na isinagawa kahapon, Setyembre 18.

Ayon sa pamunuan ng UM, ang nasawing estudyante na hindi na pinangalanan ay isang neophyte victim na.

Maliban sa nasawi, mayroon ring malubhang nasaktan na isa pang estudyante.

Sa inisyal na impormasyon, miyembro ng AKRHO Alpha Delta Chapter fraternity ang nagsagawa ng initiation sa dalawang estudyante na ayon pa sa pamunuan ng paaralan, ito ay naganap sa labas ng bisenidad ng unibersidad.

Dahil dito ay mahigpit na kinondena ng UM ang hazing incident lalo pa’t matagal na umanong ipinagbawal sa naturang unibersidad ang pagsasagawa ng ganito mula nang maisabatas ang Anti-Hazing Law.

Malinaw umano itong pambabastos sa kanila ng nabanggit na grupo na hindi rin umano kinikilala ng pamunuan.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang University of Mindanao at nangakong magsasagawa ng masinsinang imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot sa iligal na gawain. RNT/JGC