Estudyante patay sa doktor

Estudyante patay sa doktor

July 3, 2022 @ 1:30 PM 2 months ago


DAVAO CITY- Patay ang isang estudyante matapos pagbabarilin ng isang doktor ng Davao Police Regional Office (PRO 11) nang magkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng bar Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Amir Pulanon Mangacop, 21-anyos at residente sa El Rio Subdivision, Bacaca Road, Barangay 19-B, Poblacion Davao City.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Marvin Rey Andrew Pepino, 31, ng Hillside, Bajada, at kasapi ng Police Regional Office (PRO) Davao Region Non-Uniformed Personnel.

Batay sa report ng San Pedro Police Station, dakong alas-12:50 ng madaling araw naganap ang krimen sa loob ng bar sa J. Camus Extension, Tavera Barangay 9-A Davao City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng kaguluhan ang dalawang grupo at nagkakainitan sina Mangacop at Pepino.

Dito, bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.

Agad naman isinakay sa Mobile Patrol Unit ng mga rumespondeng pulis ang biktima at dinala sa Davao Doctors Hospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulto sila ng 9 na basyo ng 9.mm at isang registered .9mm Glock 43 na may 1 magazine.

Kasalukuyan naman nakakulong sa lock-up cell ng San Pedro Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Sinabi naman ni Maj. Ma. Teresita Gaspan, Davao City Police Office spokesperson, na tiniyak ng PRO 11 na magiging patas ang gagawin imbestigasyon sa nasabing krimen at sasampahan ng karampatang kaso laban kay Pepino.

Ayon naman kay Maj. Eudisan Gultiano, PRO 11 spokesperson, kahit na isang non-uniformed member si Pepino ay maaari itong magdala ng baril hanggat ito ay lisensyado. Mary Anne Sapico