EUROPA BUMABAGSAK; PINAS DAPAT MAGHANDA

EUROPA BUMABAGSAK; PINAS DAPAT MAGHANDA

October 8, 2022 @ 1:39 AM 2 months ago


GAANO ba karaming Pinoy ang maaapektuhan ng ngayo’y bumabagsak na ekonomiya ng Europa Union?

Marahil makatutulong ang pag-alam natin kung ilan sila sa buong European Union na karaniwang nabubuhay bilang mga manggagawa sa iba’t ibang larangan.

Sa Germany, may 57,362 habang sa France, may 150,000-200,000 at sa The Netherlands, may 14,000.

Pero sa kabuuan, mga Bro, naglalaro sa isang milyon ang mga ito.

HUMINTO, KALAHATING OPERASYON

Dahil sa sobrang mahal na langis, natural gas at iba pa na gamit sa pagpapatakbo ng mga makina at elektrisidad, nagsasara na ang mga pabrika at negosyo sa EU.

Ang iba, nag-iislowdown o kalahati lang ang mga operasyon o nagsisilipatan sa United States.

Sa The Netherlands, nagsara na ang operasyon ng Aldel na gumagawa ng aluminum at Yara na gumagawa ng fertilizer.

Ayon sa Rabobank nasabing bansa, marami pang negosyo ang magsasara gaya ng mga gumagawa ng kemikal, papel, bakal, goma at plastic.

Sabi naman ni Nicolas de Warren, pangulo ng Uniden, hindi na makalaban sa kompetisyon sa presyo ang mga produktong gawa sa France kaya may nakaamba na ring magsasara o magpahina ng produksyon.

Sinasabi naman ng Eurometaux na ang maraming pabrika sa iba’t ibang bansa sa Europa ay huminto na sa paggawa ng mga aluminum, zinc, copper at nickel.

LUMILIPAT SA IBANG BANSA

Para naman hindi matamaan ng sobrang mahal na enerhiya, nagbubuhos na ng malalaking puhunan ang iba sa ibang bansa gaya ng United States.

Ang Lufthansa airline ng Germany, naglaan na ng daan-daang milyong puhunan sa US, gayundin ang higanteng Siemens.

Ang health care provider na Fresenius at supermarket na Aldi, lumilipat na rin sa  US.

Ang mga higanteng kompanya sa sasakyan na BMW, Volkswagen at Merceds-Benz, anak ng tokwa, nagtatayo na rin ng mga baterya para sa sasakyan sa US at hindi sa Europa na nagsasabing kailangang maging electric car ang mga sasakyan pagdating ng taong 1935.

MGA OVERSEAS FILIPINO WORKER

Tiyak na maraming overseas Filipino worker sa Europa na pumapasok sa mga nagsasara, nanghihina at nagsisilipatan sa US at ibang bansa.

Marami ring OFW ang nagsisilbing tagalinis ng mga tahanan o nagsisilbi sa mga hotel o kaya’y nagtsu-tsuper para sa turismo at nagtatrabaho sa mga restoran, transportasyon at entertainment.

Tiyak na maaapektuhan ang mga ito gaya ng pagkawala ng kanilang empleyo o panghihina ng kita sa lahat ng larangang sila’y nabubuhay.

At ang masakit, maaapektuhan din ang kanilang mga pamilya na umaasa sa kanilang mga padala.

May mga hihinto sa pag-aaral, hihinto sa mga hinuhulugang bahay at sasakyan, mababaon sa utang at marami pang iba.

Maaapektuhan din maging ang kaban ng bayan sa paghina ng kanilang mga padala na dolyar at euro.

Tiyak na babagsak ang 3.7 bilyong dolyar na padala ng mga OFW mula sa Europa.

DAPAT MAGHANDA

Dapat nang maghanda sa krisis ang nasa 1M OFW at kanilang mga pamilya.

Ang pamahalaan, dapat ding maghanda para saluhin ang mga mawawalan ng trabaho at maghihirap na pamilya-OFW.