Evacuation centers pinatutukoy ni PBBM sa DILG sa pananalasa ni #FloritaPh

Evacuation centers pinatutukoy ni PBBM sa DILG sa pananalasa ni #FloritaPh

August 23, 2022 @ 5:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inatasan ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Interior and Local Government (DILG) na alamin ang available evacuation centers sa gitna ng pananalasa ng  Severe Tropical Storm Florita.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, isa iro sa mga naging direktiba ni Pangulong Marcos sa kanilang  Cabinet meeting.

Ginarantiya naman ni Abalos na magiging available ang  food at water supplies para sa mga pamilyang apektado ng naturang bagyo.

“Kanina ho galing kami sa Cabinet meeting, ito nga ang binilin niya, so ensured na talagang naka-monitor at naka-identify na po ang mga evacuation centers dito and just like the DSWD (Department of Social Welfare and Development), we are in constant touch with our local government unit partners na nasa baba po,” ayon kay Abalos sa Palace briefing.

“Lahat naman po ito, in place naman po ‘yung gagawin po rito. Of course, nandiyan na ‘yung pagkain, nandiyan na ‘yung tubig, lahat po ‘yan nakahanda na rin,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, nagsuspinde na ng klase at trabaho si Pangulong Marcos sa mga lugar na apektado ng Bagyong Florita.

Ayon kay Press Secretary Trixie Angeles, simula ngayong araw, Agosto 23, walang pasok sa lahat ng antas sa mga pampublikong eskwelahan sa National Capital Region, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales at Bataan hanggang bukas, Agosto 24.

Wala ring pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa mga nabanggit na lugar hanggang bukas.

Samantala, sinabi ni Angeles na ipinauubaya na ni Pangulong Marcos ang pagpapasya sa mga pribadong paaralan at tanggapan.

Sinuspendi ng Pangulo ang pasok sa klase at trabaho base na rin sa rekomendasyon ng Office of Civil Defense.

Samantala, nag-anunsiyo ang mga sumusunod na local government units ng suspensiyon ng klase sa kanilang lugar ngayong Martes, Agosto 23, dahil sa sama ng panahong dala ng Bagyong Florita.

  • Quezon City (pre-school hanggang senior high school)

  • Malabon (lahat ng antas sa public at private schools)

  • Marikina City (lahat ng antas sa public at private schools)

  • Caloocan City (lahat ng antas sa public at private schools)

  • Malolos, Bulacan (lahat ng antas sa public at private schools)

  • Albay Province (lahat ng antas sa public at private schools)

  • Baguio City (pre-school hanggang senior high school sa mga public at private schools)

  • Bontoc, Mountain Province (pre-school hanggang senior high school)

  • Camarines Sur (lahat ng antas)

  • Ilocos Norte (mga klase sa lahat ng antas, maging trabaho sa gobyerno)

  • Kalinga Province (pre-school hanggang secondary level sa public at private schools)

  • Masantol, Pampanga (pre-school hanggang high school)

  • Nueva Vizcaya (pre-school hanggang senior high school sa public at private schools)

  • Quezon Province (simula kinder hanggang high school sa lahat ng private at public schools)

  • Rizal Province (pre-school sa public at private schools)

  • Tuguegarao City, Cagayan (lahat ng antas sa public at private schools)

Nag-landfall na ang bagyong Florita sa Maconacon, Isabela pasado alas-10 ng umaga ngayong Martes, sabi ng PAGASA. Kris Jose