Evaluation guidelines sa courtesy resignations sa PNP inihahanda na

Evaluation guidelines sa courtesy resignations sa PNP inihahanda na

February 6, 2023 @ 4:02 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isinasapinal na ng Philippine National Police ang mga pamantayan at panuntunan na gagamitin sa ebalwasyon ng mga courtesy resignations na ipinasa ng mga opisyal ng ahensya.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Redrico Maranan nitong Lunes, Pebrero 6, magsisimula lamang ang imbestigasyon sa oras na maitakda na ang guidelines para rito.

“Dito sa mga third level officers natin kasi, magme-meeting pa advisory group para makita nila yung proposed guidelines and parameters. Right after, pag na-finalize na at katanggap-tanggap lahat sa five-man committee or sa advisory group then magsa-start na ang evaluation and screening,” pahayag ni Maranan.

Maliban dito, sinabi rin ng PNP na pakikinggan nila ang dahilan ng isa sa mga opisyal na hindi nagpasa ng courtesy resignation.

Nang tanungin naman kung iimbestigahan ba ang naturang pulis, sinabi ni Maranan na ipapaubaya na lamang niya ang desisyon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr.

“I will leave that to the wisdom of the Chief PNP and SILG ,” sinabi niya.

Matatandaan na sinabi kamakailan ni Abalos na sa 953 PNP generals at full colonels, 12 ang hindi nagpasa ng kanilang courtesy resignation kung saan lima sa mga ito ang nagretiro na at anim ang magreretiro pa lamang.

Sa kabila nito, nilinaw niya na wala namang parusang ipapataw sa mga ito.

Samantala, kamakailan ay inanunsyo rin ang mga miyembro na bubuo sa five-man committee na pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutulong sa pagsuri sa courtesy resignations na ipinasa, ito ay sina: Azurin, Baguio City mayor Benjamin Magalong, former defense chief Gilbert Teodoro, at retired police general Isagani Nerez, na kasalukuyang
undersecretary ng Office of the Presidential Adviser on Military Affairs.

Ang ikalimang miyembro naman ay hindi na pinangalanan. RNT/JGC