Event singer lasog sa hit-and-run sa Bulacan

Event singer lasog sa hit-and-run sa Bulacan

March 21, 2022 @ 4:45 PM 3 months ago


BULACAN, Philippines – Patay ang isang 19-anyos na babaeng singer nang suwagin ng humaharurot na sasakyang naka-hit-and-run sa kanya sa San Jose Del Monte.

Kinilala ang driver ng nakasagasang sasakyan na sa pangalang Ivan 40, medical representative, residente ng Brgy. Maharlika habang ang biktima ay itago sa pangalang JC, dalaga, choir member at part time event singer sa Brgy. Graceville.

Sa report ng SJDM Police, nangyari ang insidente bandang 11:30 ng hatinggabi nitong Marso 18 sa kahabaan ng Governor F. Halili road, Brgy.Graceville.

Pauwi na ang driver sakay ng puting Honda Brio Sedan nang aksidenteng mabangga ang tumatawid na biktima.

Sa kuha ng CCTV, bumaba ang biktima sa isang pampasaherong jeep at nang tumawid ay bigla namang nahagip ng  sedan at tumilapon.

Nalaman sa report na hindi hinintuan ng driver ang biktima na nawalan ng malay at nakahandusay sa kalsada.

Agad na dinala sa Qualimed Hospital ang biktima subalit idineklara rin itong dead on arrival.

Sinasabing boluntaryong sumuko kinabukasan  ang driver na ngayon ay nahaharap na sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang suspek. Dick Mirasol III