Ex-army arestado sa pangho-holdap

Ex-army arestado sa pangho-holdap

January 14, 2023 @ 9:14 AM 2 weeks ago


GMA, Cavite- Arestado ang dating kasapi ng Philippine Army (PA) sa isinagawang manhunt operation ng mga awtoridad makaraang holdapin ng una ang isang pawnshop, iniulat kahapon sa lalawigan ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Michael Camotohan, 47-anyos, ex-army at kasalukuyang nagtatrabaho bilang VIP security.

Batay sa report ng General Mariano Alvarez Police Station, dakong alas-12:30 ng tanghali nang holdapin ng suspek ang RD Pawnshop na matatagpuan sa Brgy. San Gabriel, General Mariano Alvarez, Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakuhanan sa CCTV na tinutukan ng baril ng suspek ang kahera ng pawnshop at nagdeklara ng holdap saka tinangay ang higit sa P16,000 at isang unit ng samsung cellular phone.

Mabilis na tumakas ang suspek at sumakay ng pampasaherong jeep bumaba sa sa harap ng petron gasoline station at sumakay ng tricycle patungo sa kanyang kaanak sa Alta Tierra Homes, Brgy. Olaes, GMA, Cavite.

Ayon kay LT COL Richard Donez Corpuz, GMA acting Chief of Police, agad nilang sinundan ang mga kuha sa CCTV at pagsapit ng alas-5:30 PMng hapon ay nahuli ang suspek.

Nakumpiska kay Comutohan ang (1) unit ng Glock 23 caliber .40, chamber loaded at burado na rin ang serial number, (2) magazines na may 24 na bala, (3) units ng cellular phones, P15,130.00 cash, (1) hand grenade, three (3) medium plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, (1) set ng tactical clothes at iba’t ibang identification cards.

Kasalukuyan nakakulong sa kustodiya ng GMA Municipal Police Station ang suspek para tamang disposisyon habang nag mga illegal droga at baril na nakumpiska at dadalhin sa Provincial Forensic Unit para sa eksaminasyon. Mary Anne Sapico