Ex-Boxing champ Espinosa umapela kay BBM

Ex-Boxing champ Espinosa umapela kay BBM

October 14, 2022 @ 2:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si dating boxing champ Luisito Espinosa kay President Bong Bong Marcos Jr. na sana ay tulungan siya na makuha ang balanse ng premyong napanalunan niya noong 1997.

Umapela ang dating Filipino world boxing champion na si  Espinosa kay President  Marcos, Jr. na tulungan siya sa pag-claim ng natitirang balanse ng kanyang premyong pera para sa isang laban na kanyang napanalunan noong 1997.

Ayon sa ulat, si Espinosa ay kasalukuyang nasa isang mahirap na yugto ng kanyang buhay dahil halos hindi na siya nakakabangon sa mga pagsubok na kanyang nararanasan.

Noong 2015, nagdesisyon ang Court of Appeals na dapat matanggap ni Espinosa ang inaasahang halaga ng kanyang premyong pera mula sa pakikipaglaban kay Carlos Rios ng Argentina.

Inireklamo ng kampo ng boksingero ang pagtanggap ng hindi kumpletong bayad mula sa mga organizer ng laban.

“Sana naman matulungan n’yo naman ako dahil wala naman akong ginawang masama. Pinagtanggol ko naman ang Pilipinas,” ani Espinosa.

“Sana po matulungan niyo po ako kasi wala po akong ginawang masama. Ipinaglaban ko po ang Pilipinas. Sa ating pangulong BBM, sana po matulungan niyo po ako dahil hanggang ngayon, wala pa po akong binabayaran sa laban ko sa Mindanao. noong 1997,” panawagan nito sa pangulong BBM

Bumalik sa Pilipinas si Espinosa ngayong taon matapos subukang manirahan sa United States, gayundin ang pagtatrabaho bilang boxing trainer sa Hong Kong at mainland China. Gayunpaman, inubos ni Espinosa ang kanyang ipon at sinabing kumuha siya ng iba’t ibang trabaho para mabuhay.

“Down na down ako eh. Talagang para akong tinapakan ngayon. Para akong basahan ba,” Espinosa said.

Sinabi rin ng dating kampeon na bukas pa rin siya sa pagbabalik sa ring, sa kabila ng pagkakaroon ng kondisyon sa kanyang pananalita at pagiging makakalimutin kung minsan.

“Kaya ko pa. OK lang ‘yon kasi ang katawan ko, active pa. Malakas pa rin,” wika ni Espinosa.

Sa loob ng halos tatlong buwan, ang dating Filipino boxing champion ay naninirahan sa kanyang kaibigan na si John Manongsong, na mismong nalungkot sa nangyari kay Espinosa.

“Naaawa ako dahil binigyan niya tayo ng karangalan. Ako bilang isang Pilipino, iniisip ko na lang may utang na loob ako sa kanya,” wika ni Manongsong.

Sa kanyang propesyonal na karera, si Espinosa ay may 47-13 karta, na kinabibilangan ng 26 na knockout na panalo. RICO NAVARRO