Ex-BuCor OIC Ragos dumalo sa pagdinig kay De Lima

Ex-BuCor OIC Ragos dumalo sa pagdinig kay De Lima

September 30, 2022 @ 3:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dumalo si dating Bureau of Corrections OIC Rafael Ragos sa pagdinig ng isa sa mga drug cases na isinampa laban kay dating Senador Leila de Lima ngayong Biyernes, Setyembre 30.

Ito ang kinumpirma ng prosekusyon kung saan naglabas umano ng kautusan nitong Huwebes, Setyembre 29 si Judge Abraham Joseph Alcantara ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 na maaaring tumestigo si Ragos.

Sa kabila nito, naghain naman ng motion for reconsideration ang prosekusyon ayon kay prosecutor Darwin Canete.

Matatandaan na si Ragos ang isa sa mga kumanta na personal niya umanong inihatid ang aabot sa P10 milyon halaga ng hinihinalang drug money noong Nobyembre at Disyembre 2012 sa bodyguard ni De Lima na si Ronnie Dayan sa bahay nito sa Paranaque.

Kagyat naman itong kinontra ng dating Senador at sinabing hindi siya kailanman tumanggap ng pera mula kay Ragos.

Nitong Abril lamang, maaalalang iniurong ni Ragos ang lahat ng alegasyon niya laban kay De Lima at sa halip ay inakusahan si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pinilit lamang siyang tumestigo laban sa dating Senador. RNT/JGC