Ex-cadre: CPP-NPA ‘mastermind’ sa Tinang incident

Ex-cadre: CPP-NPA ‘mastermind’ sa Tinang incident

June 15, 2022 @ 7:29 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Itinuturong “mastermind” ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa nangyaring gulo sa pinag-aawayang lupain sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac noong Hunyo 9.

Ito ang isiniwalat ng mga dating miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTGs) sa isinagawang special virtual press briefing ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sinabi ni Christopher Garcia, dating kilala bilang “Ka Warly”, ngayon ay board member ng Sambayanang Gitnang Luzon, na ang CTGs ang nagpasimula ng “Bungkalan” mobilization campaign sa Hacienda Tinang kung saan ang mga rebeldeng komunista ay kumikilos sa pinag-aawayang agricultural lands sa bansa kabilang na ang Hacienda Luisita.

“Ito ay pagpapalawak din ng baseng-masa at balikan ang mga lugar na dati nilang hawak. Alam namin yun dahil naranasan namin yan,” ayon kay Garcia, tinutukoy ang pagsisikap ng CTG’s na mabawi ang kanilang dating pugad mula sa puwersa ng gobyerno.

Idinagdag pa nito, ang Tinang incident ay ‘starting point’ ng CTG’s para gumawa ng gulo para sa incoming administration.

“Ayaw nilang maupo si BBM,” ayon kay Ka Pong Sibayan, isa pang dating miyembro ng CTG.

Idinagdag pa niya na ginagamit ng CTGs ang “bungkalan” mobilization para sa pagre-recruit at radikalisasyon sa mga kabataan at makakalap ng foreign funding.

“Negosyo nila (CTG) yan. Binubulsa naman ng mga lider ang nakokolektang pondo at hindi napupunta sa mga magsasaka,” ayon kay Sibayan.

Kapuwa inakusahan din ng mga ito sina Renato Reyes ng Bayan Muna, Pia Montalban at Joyce Ann Nepomuceno ng Karapatan, bilang “urban operatives” ng CPP-NPA-NDF, di umano’y kilala para sa paggawa at pagpapakalat ng maling impormasyon at pagkabalisa.

“Hihimukin ang mga magsasaka hanggang June 30,” Ka Warly.

Sinabi pa nito na may kahalintulad na kampanya ang inihahanda sa Hacienda Murcia malapit sa Hacienda Tinang, at sa Barangay Central malapit Hacienda Luisita ng mga miyembro ng iba pang CTG-affiliated group gaya ng “Anak Pawis” at Unyon ng Manggagawang Agrikultura (UMA) para mas lalo pang sulsulan ang mga kabataan at magsasaka.

“Gusto nilang pag-away-awayin ang mga magsasaka para magulo ang bagong administrasyon,” ayon kay Ka Warly. Kris Jose