Ex-Cebu mayor, 1 pa hinatulang nagkasala ng Sandiganbayan

Ex-Cebu mayor, 1 pa hinatulang nagkasala ng Sandiganbayan

February 25, 2022 @ 7:40 AM 4 months ago


CEBU – Pinarusahan ng 6-10 pagkabilanggo at habambuhay na diskwalipikasyon sa serbisyo publiko ang isang dating mayor at municipal bookkeeper makaraan silang mapatunayang nagkasala sa krimen katiwalian.

Nakilala ang mga salarin na sina Aloguinsan, Cebu ex-Mayor Augustus Caesar Moreno at Evangeline Manigos.

Sa 38 pahinang desisyon ng Sandigambayan na lumabas nitong Martes, nilabag nina Moreno at Manigos ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act or Republic Act (RA) 3019, partikular ang Sections 3(e) and 3(h).

Nagpalabas na ang Sandiganbayan Third Division ng mga mandamiento de aresto laban kina Moreno at Manigos, asawa ni Moreno na si Cynthia at mga miyembro ng Municipal Bids and Awards Committee (BAC) na sina Pepito Maguilimotan, Nonela Villegas, Marilyn Flordeliza at Gertrudes Ababon na ngayo’y hindi pa natatagpuan.

Nag-ugat ang kaso sa pagbili umano ng pamahalaang Aloguinsan ng mga pagkain mula sa AVG Bakeshop na pag-aari ni Cynthia sa halagang P282,725 nang walang kaukulang pasubasta at hinati-hati ang mga ito sa 29 maliliit na transaksyon upang hindi na daraan sa pasubasta.

Ipinagbabawal ng nasabing batas ang pakikipagtransakyon ng opisyal ng gobyerno sa sa sarili o pampamilyang kompanya nito subalit ito umano ang ginawa ng mag-asawa.

Nakitaan ng Office of the Ombudsman ng pirma mismo ni ex-Mayor Moreno ang mga resibo ukol sa pagbili o transaksyon at kabilang ang mga ito sa mga ebidensya sa kasong isinampa nito sa Sandiganbayan.

Lumalabas umanong ginamit ni Moreno ang kapangyarihan nito sa paggawa ng nasabing transaksyon at nagpabaya naman ang mga nasa BAC ng kanilang tungkulin.

Nauna rito, nasuspinde na si Cynthia, habang mayor pa ito ng nasabing bayan noong 2013, ng 90 araw makaraang bumili ang munisipyo ng mga construction material nang walang pasubasta.

Humalili sa kanya ang asawa niyang si Augustus na noo’y vice mayor niya.

Noon namang 2015, nasuspinde ulit ang mag-asawa nang magbenta sila ng sirang mga dump truck na pag-aari ng pamahalaang Aloguinsan. RNT