Ex-chief of staff ni Enrile pinalaya sa kulungan

Ex-chief of staff ni Enrile pinalaya sa kulungan

January 20, 2023 @ 8:34 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nakalaya na sa Taguig City Jail ang dating Senate chief of staff ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology nitong Huwebes ng gabi.

Sa isang pahayag, sinabi ng BJMP na nakalabas na sa kulungan si Jessica Lucila “Gigi” Reyes bandang 6:30 p.m matapos na pagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon ni Reyes para sa writ of habeas corpus, kung saan kinuwestiyon niya ang tagal ng kanyang pagkakakulong matapos siyang kasuhan ng plunder noong 2014.

Bago siya palayain, nakakulong si Reyes mula noong Hulyo 9, 2014.

“[P]etitioner’s release from detention becomes imperative due to the protracted proceedings in the principal case,” ayon sa SC First Division sa resolusyong may petsyang Enero 17.

“Indeed, nine years is far too long of a detention pending the resolution of a criminal case. If petitioner were to wait for a final judgment before seeking effective relief, then it might be too late for her to genuinely enjoy her liberty. By then, justice delayed would truly be justice denied,” dagdag pa rito.

Si Enrile at ang kanyang mga kapwa akusado, kabilang si Reyes, ay nakalikom umano ng P172.8 milyon na kickback mula 2004 hanggang 2010 sa pamamagitan ng mga non-government organization na nauugnay sa dating negosyanteng si Janet Napoles.

Ang 98-anyos na dating senador ay gumugol ng mahigit isang taon sa ilalim ng pag-aresto sa ospital bago siya pinagbigyan ng SC ng piyansa sa humanitarian grounds noong Agosto 2015. RNT