Ex-CNN Beijing bureau chief, itinalaga ni PBBM na PH envoy sa China

Ex-CNN Beijing bureau chief, itinalaga ni PBBM na PH envoy sa China

November 7, 2022 @ 5:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dating Beijing bureau chief ng CNN na si Jaime FlorCruz bilang bagong Philippine ambassador to China.

Si FlorCruz ay kabilang sa listahan ng mga nominado na kamakailan lamang ay nailathala ng Commission on Appointments.

Ayon sa dokumento, itinalaga siya noong nakaraang Oktubre 19.

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring pagkumpirma mula sa Malakanyang at hindi pa nakapagpapalabas ng appointment papers sa media hinggil sa pagkakatalaga kay FlorCruz.

Si FlorCruz ay magkakaroon ng “concurrent jurisdiction” sa North Korea at Mongolia.

Ang posisyon bilang Philippine ambassador to China ay nabakante nang mamatay noong nakaraang Abril si Jose Santiago “Chito” Sta. Romana sa edad na 74.

Si FlorCruz, 71, ay nagsilbi bilang TIME Magazine’s Beijing Bureau chief and correspondent at Newsweek’s correspondent sa China.

Base sa kanyang biography na nakalagay sa CNN, kinukunsidera si FlorCruz bilang “dean” ng foreign press corps sa Beijing at itinuturing na longest-serving foreign correspondent sa China sa ngayon.

Siya ay naging two-term president ng 200-member Foreign Correspondents’ Club of China at miyembro ng Edward R. Murrow Press Fellow sa Council on Foreign Relations sa New York.

Si FlorCruz ay nag-aral, nag-trabaho at bumiyahe sa China ng mahigit sa 40 na taon at naging mamamahayag ng nasabing bansa simula 1980. Kris Jose