Ex-convict patay sa pananambang

Ex-convict patay sa pananambang

March 13, 2021 @ 1:18 PM 1 year ago


NORTH COTABATO – Hindi inakala ng isang lalaking ex-convict na ang paglaya niya sa kulungan ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek kagabi sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Leo Alcaraz, alyas Avatar, 22, binata, residente ng Barangay Poblacion 2, Midsayap North Cotabato.

Ayon kay Midsayap chief of police, Lieutenant Colonel Glenford Dumaque Alberto, naganap ang krimen sa Purok 1, Upper Glad I, Midsayap, Cotabato.

Lumabas sa imbestigasyon na naglalakad ang biktima sa madilim na bahagi ng naturang lugar nang bigla siyang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki, gamit ang cal. 45 pistol.

Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon sakay ng motorsiklo habang dinala naman sa ospital ang biktima subalit dineklara ring patay ng doktor.

Nabatid na lumaya sa kulungan ang biktima noong Hulyo 14, 2020 dahil sa kasong pagnanakaw.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico