Ex-councilor, comedian na si Roderick Paulate guilty sa ghost employee scam

Ex-councilor, comedian na si Roderick Paulate guilty sa ghost employee scam

December 2, 2022 @ 4:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Guilty ang aktor at dating Councilor na si Roderick Paulate makaraang hatulang nagkasala ng Sandiganbayan dahil sa kasong graft at falsification of documents kaugnay ng pagkuha ng “ghost employees” noong 2010.

Kaugnay nito, hinatulan ang komedyante ng walong (8) taong pagkakakulong dahil sa kasong graft at anim na taong pagkakakulong sa kada count ng falsification offense.

Nabatid sa ulat na kung pagsasama-samahin ang ipinataw na parusa sa komedyante ng anti-graft court ay pwede itong umabot ng mula 10 taon at anim na buwan hanggang 62 taon para sa lahat ng kaso.

Kaugnay nito, kasamang na-convict ni Paulate para sa graft charges ang kanyang driver at liason officer na si Vicente Bajamunde.

Magugunitang noong taong 2018 nang maghain si Paulate, na kilala sa kanyang pagganap sa mga pelikula gaya ng “Petrang Kabayo” at noontime show na “Magandang Tanghali Bayan,” ng piyansa para sa mga nabanggit na reklamo.

Noong taong iyon, gumanap pa siya bilang mayor sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Samantala pinatawan naman si Paulate ng 90-day suspension ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong tumatakbo pa ang kaso. Santi Celario