Ex-DOE chief, kinasuhan ng cyber libel ni Gatchalian

Ex-DOE chief, kinasuhan ng cyber libel ni Gatchalian

July 14, 2022 @ 6:39 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong kriminal sa Valenzuela City Prosecutor’s Office si dating Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi matapos ikasa ni Senador Win Gatchalian ang reklamong cyber libel.

Ang batayan ni Gatchalian sa kanyang reklamo ay ang opisyal na pahayag ni Cusi na inilathala sa DOE website noong Pebrero 4, 2022 na humahamak sa reputasyon at integridad ng senador pati na sa imbestigasyon ng Senate Energy Committee noong 18th Congress na may kinalaman sa bentahan ng 45% participating interest ng Chevron Philippines sa Malampaya gas project.

Ang mga nasabing pahayag ni Cusi, ani Gatchalian, ay mapanirang puri dahil nagpapahiwatig ito na batay lamang sa espekulasyon at sabi-sabi ang naging pagdinig ng komite na pinalaganap ng ilang may interes sa nasabing negosyo.

“Ang pahayag ni Cusi ay malinaw na paninirang-puri at naglalayong hiyain, sirain, at hamakin, hindi lamang ang aking posisyon bilang Senador ng Republika kundi pati na rin ang aking integridad bilang isang lingkod bayan,” sabi ni Gatchalian. Paglapastangan din ito sa Senado bilang isang institusyon.

“Ipinapahiwatig din ni Cusi na ang nangyaring imbestigasyon sa Senado, na dinaluhan mismo ng dating kalihim at dati niyang mga kasama sa trabaho, ay kaduda-duda at pamumulitika lamang,” sabi pa ng senador.

Inilabas ni Cusi ang kanyang pahayag matapos maipadala sa Office of the Ombudsman ang Senate Resolution No. 137 na iminungkahi ni Gatchalian at pinagtibay ng Senado.

Ang nasabing resolusyon ay naglalaman ng “Sense of the Senate” na magsampa ng mga kaukulang kasong kriminal at administratibo tulad ng gross neglect of duty, grave misconduct, at conduct prejudicial to the best interest of the service laban sa kay Cusi, sampu ng iba pang mga dating opisyal ng DOE kasunod ng pag-apruba at pagrekomenda nila sa transaksyon sa Malampaya na salungat sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Ang Chairman’s Report, na naging batayan ng nasabing Senate Resolution, ay isinampa ni Gatchalian sa Ombudsman at Civil Service Commission (CSC).

“Malisyoso ang inilabas na pahayag ni Cusi dahil sa simula pa lang ay alam niya na hindi ito totoo at ni isa sa mga miyembro ng Senate Committee on Energy ay hindi kailanman naimpluwensyahan ng sinumang may business interest habang isinasagawa namin ang imbestigasyon,” sabi ni Gatchalian.

“Bakit hindi tinawag ni Cusi ang atensyon ko kahit kalian noong kasagsagan ng imbestigasyon sa Senado kung totoo ang mga akusasyon niya laban sa akin? Sana noon pa ay nagsampa na siya ng reklamo sa Senate Ethics Committee o sa Ombudsman. Hanggang ngayon ay wala akong natatanggap na pormal na reklamo tungkol sa usaping ito,” pagtatapos ng senador. Ernie Reyes