Ex-DPWH official, 12 iba pa guilty sa P83.9M street lighting project

Ex-DPWH official, 12 iba pa guilty sa P83.9M street lighting project

December 12, 2022 @ 2:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinatulan na ng Sandiganbayan ang si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Director Robert G. Lala, dating Lapu-Lapu City Mayor Arturo O. Radaza, at 11 iba pa ng graft dahil sa P83.935 milyon na kontrata sa street lighting project.

Ang naturang street lighting project ay isinagawa sa Lapu-Lapu City para sa 12th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Cebu noong Enero 9 hanggang 15, 2007.

Maliban sa dalawang pangalan na nabanggit, hinatulan din sina dating DPWH Assistant Regional Director Marlina S. Alvizo; Officer-in-Charge (OIC) of the Maintenance Division Pureza A. Fernandez; OIC-Assistant Chief ng Maintenance Division Cresencio T. Bagolor; bids and awards committee (BAC) members Agustinito P. Hermoso at Luis A. Galang; technical working group (TWG) members Ayaon S. Manggis, Marilyn A. Ojeda, at Teresa B. Bernido; Lapu-Lapu City Engineer Julito H. Cuizon; Engineer IV Rogelio D. Veloso; at si FABMIK Construction and Equipment Supply President Isabelo A. Braza.

Sinentensyahan ito ng anim hanggang 10 taon na pagkabilanggo at perpetual disqualification sa pagtatrabaho sa pampublikong opisina.

Ayon sa prosekusyon, ang hatol ay batay sa kontrata sa naturang street lighting facilities na nagkakahalaga ng P83,935,000 na sobra umano ng P18,045,890 dahil ang computation para sa naturang proyekto ay dapat na nasa P65,889,109.99 lamang.

Kasabay nito, wala ring isinagawang public bidding para sa naturang proyekto.

“The totality of the evidence gives the impression that accused themselves created a situation where they will appear to be pressed for time to give the alleged procurement a semblance of legitimacy,” ayon sa korte.

“The prosecution was able to establish the presence of collusion between and among the accused in making it appear that the preparation for the procurement and the award of P83,935,000 contract to FABMIK was regular, proper, and legal, through a bogus negotiated procurement done with manifest partiality in favor of Braza and evident bad faith to the detriment of the public,” dagdag pa.

Ang 174-pahinang desisyon na inihayag noong Disyembre 2 ay isinulat ni Associate Justice Georgina D. Hidalgo katuwang sina Chairperson Ma. Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta at Associate Justice Zaldy V. Trespeses. RNT/JGC