Ex-kap tinigbak sa harap ng misis, anak

Ex-kap tinigbak sa harap ng misis, anak

August 9, 2022 @ 10:43 AM 2 months ago


IBAJAY, Aklan- SABOG ang bungo ng isang dating barangay chairman matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding in tandem sa harap mismo ng kanyang asawa’t anak kagabi (Lunes) sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Mhelvin Cabales, dating barangay chairman at residente ng Brgy. Bagacay, Ibajay Aklan.

Batay sa report ng Ibajay Municipal Police Station, dakong 6:48 PM naganap ang krimen sa may sementeryo sa Brgy. Poblacion, Ibajay.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Brgy. Ondoy si Cabales kasama ang misis at 12-anyos nitong anak na lalaki matapos manood ng basketball kung saan isa sa mga anak nitong lalaki ang naglaro.

Pauwi na ang pamilya Cabales sakay ng motorsiklo na minamaneho ng biktima ng bigla na lamang silang tambangan ng mga suspek.

Paghinto ng motorsiklo ni Cabales dito na siya binaril sa ulo sa na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen at hinihintay na lamang na makausap ng maayos ang misis ni Cabales dahil nakita niya mismo ang mukha ng mga suspek./Mary Anne Sapico