Ex-kapitan, tanod kinatay ng 2 kapitbahay sa Capiz

Ex-kapitan, tanod kinatay ng 2 kapitbahay sa Capiz

June 4, 2021 @ 8:13 AM 2 years ago


SIGMA, Capiz – Hindi inakala ng dating punong barangay at tanod na ang pagbato nila ng bahay sa kanilang kapitbahay ang magiging sanhi ng kanilang kamatayan nang pagtatagain ang mga ito matapos umanong sugurin ng mga una ang mga huli kagabi sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Isidro Jeroso Sr., 59-anyos, ex-barangay chairman at Barangay tanod Mario Marzan 44-anyos, kapawa ng Barangay Mangoso, Sigma, Capiz.

Naka-hospital arrest naman ang suspek na si Crisaldo Belarmino habang tugis ang isa pang suspek na si Antonio Villan Jr. na mabilis tumakas matapos ang krimen.

Batay sa report ng Sigma Municipal Police Station, naganap ang krimen kagabi sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, parehong nag-iinuman ang mga suspek at biktima sa kani-kanilang bahay nang bigla na lamang umanong may nambato sa bahay ni Belarmino.

Dito, tumigil ang inuman nina Belarmino at Villan saka inabangan kung sino ang nambato sa bahay hanggang sa nakita nila si Marzan na papasok sa bahay ni Jeroso na may bitbit na itak.

Ayon sa live-in partner ni Belarmino na si Jewel, tinanong lamang ng kanyang kinakasama at ni Villan si Marzan kung bakit nila binato ang bahay.

Sa halip na sumagot ang biktima tinangka na sila nitong tagain kaya agad na pumasok ng bahay ang mga suspek at isinara ang pinto subalit pilit itong binubuksan ni Marzan kasama si Jeroso.

Napilitan na rin kumuha ng itak ang mga suspek at pagpasok ng dalawa ay nauwi ito sa tagaan hanggang sa mapuruhan sina Jeroso at Marzan habang sugatan naman si Belarmino.

Kaagad naman dinala sa ospital sina Jeroso at Marzan pero dineklara na rin silang patay ng umatending doktor.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari at inihahanda ang kasong isasampa laban kina Belarmino at Villan./Mary Anne Sapico