Ex-Leyte solon, 56-taong kulong sa P24.2M pork barrel transfer

Ex-Leyte solon, 56-taong kulong sa P24.2M pork barrel transfer

January 10, 2023 @ 8:25 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinatulan ng Sandiganbayan ang dating Leyte solon na si Eduardo Veloso ng hanggang 56 taong pagkakakulong kaugnay ng paglilipat nito ng P24.2 milyon mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa isang non-government organization noong 2007.

Nabatid sa 52-pahinang desisyon na ipinahayag noong Enero 9, napatunayang guilty ng Sandiganbayan First Division sina Veloso at dating Technology Resource Center (TRC) legislative liaison officer Rosalinda Lacsamana sa dalawang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at dalawa bilang ng malversation sa ilalim ng Revised Penal Code.

Sina Veloso at Lacsamana ay hinatulan ng pinakamababang pagkakakulong ng 6 na taon at 1 buwan hanggang sa maximum na pagkakakulong ng 10 taon para sa bawat bilang ng graft, na may kabuuang 20 taon.

Kapwa disqualified na rin ang mga ito na humawak ng public office.

Nabatid na sa bawat bilang ng malversation, hinatulan ng Sandiganbayan sina Veloso at Lacsamana ng minimum na pagkakakulong ng 12 taon at 1 araw at maximum na pagkakakulong ng hanggang 18 taon, 8 buwan, at 1 araw.

Kaugnay nito ipinag-utos din ng Anti-Graft Court na magbayad ang dalawa ng multang P24.2 milyon.

Nabigo naman ang sumulat na makuha ang panig nila Veloso at Lacsamana para sa komento hinggil dito.

Samantala, ang mga opisyal naman ng TRC na sina Dennis Cunanan, Francisco Figura, at Marivic Jover ay pinawalang-sala dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan ang kanilang kasalanan nang walang makatwirang pagdududa.

“Accordingly, the hold-departure orders issued against accused Cunanan, Figura, and Jover in connection with these cases are hereby lifted and set aside, and the bonds they posted for their provisional liberty are ordered released,” ayon sa Korte.

Nauna rito magugunitang nag-ugat ang kaso sa paglipat ni Veloso ng kabuuang P24.2 milyon sa TRC bilang implementing agency at Aaron Foundation Philippines bilang NGO partner nito para sa livelihood at development projects sa ikatlong distrito ng Leyte.

Ayon sa Korte, napatunayan ng prosecution na ang P24.2 milyon ay nananatiling unliquidated habang walang ibinigay na testimonya o dokumento na nagpapakitang nagamit ang pondo.

Dagdag pa, sinabi nito na napatunayan na nagbigay ng unwarranted benefits at advantage si Veloso nang piliin niya si AARON na maging NGO partner nito.

“Accused Veloso claimed that he does not personally know anyone connected with AARON, and that he heard of AARON from his colleagues in Congress. The Court finds such claim dubious. During cross-examination, he failed to mention the names of the supposed congressmen who guaranteed AARON’s track record,” sabi pa ng Korte.

Samantala, sinabi ng Korte na ang mga opisyal ng TRC ay sumunod lamang sa pag-endorso ni Veloso sa kabila ng kanilang mga reserbasyon, na nagbibigay ng hindi nararapat na benepisyo at kalamangan kay AARON.

Kaugnay nito sinabi rin ng Korte na ang argumento ni Veloso na narinig niya tungkol sa foundation mula sa ibang kongresista ay medyo hindi kapani-paniwala at walang basehan sa batas.

Kinuwestiyon din nito kung bakit personal na ieendorso ni Veloso si AARON gayong sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kasamahan ay nabalitaan lang niya ang tungkol sa foundation.

Samantala, sinabi ng Korte na tungkulin ng legislative liaison officer na alamin ang mga sumusuportang dokumento kaugnay ng mga proyekto. Santi Celario