Ex-LTO chief Guadiz bagong LTFRB chair

Ex-LTO chief Guadiz bagong LTFRB chair

December 15, 2022 @ 7:27 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating Land Transportation Office (LTO) chief Teofilo Guadiz III bilang chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan kinumpirma ang appointment ng opisyal sa isang liham na may petsang Disyembre 9

“Pursuant to the provisions of existing laws, you are hereby appointed chairman, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Transportation,” saad sa liham.

“By virtue, hereof, you may qualify and perform the duties of the office, furnishing the Office of the President and the Civil Service Commission with copies of your Oath of Office,” dagdag pa rito.

Nanumpa si Guadiz sa harap ni Executive Secretary Lucas Bersamin batay sa mga larawang inilabas ng Office of the Executive Secretary.

Papalitan niya si dating LTFRB chief Cheloy Garafil na nagbitiw sa kanyang puwesto noong Oktubre para magsilbing officer-in-charge ng Office of the Press Secretary.

Pinalitan ni Garafil si dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na huminto sa parehong buwan dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan.

Si Guadiz, bilang tagapangulo ng LTFRB, ang mangangasiwa sa pagpapahayag, pangangasiwa, pagpapatupad at pagsubaybay sa pagsunod sa mga patakaran, batas at regulasyon ng mga serbisyo ng pampublikong transportasyon sa lupa.

Bago ang kanyang appointment, nagsilbi siya bilang LTO chief at Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary para sa Road Sector.

Siya ay dating direktor sa ngayon ay wala nang Department of Transportation and Communications (DOTC) at Regional Director ng LTO-National Capital Region (NCR) at LTO-Region 1 (Ilocos Region). RNT