Ex-NPA arestado sa pagpatay sa anak ng alkalde, tauhan

Ex-NPA arestado sa pagpatay sa anak ng alkalde, tauhan

August 1, 2022 @ 11:06 AM 2 weeks ago


LANAO DEL NORTE- ARESTADO ang dating miyembro ng Sparu Unit, New People’s Army (NPA) na suspek sa pagpatay sa anak at tauhan ng alkalde sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad nitong Sabado sa bayan ng Lala ng nasabing lalawigan.

Sa bisa ng warrant of arrest sa kasong double murder nadakip ang suspek na kinilalang si Edgardo Gaabucayan, 59-anyos at residente sa Sitio Tapuk-Tapok, Purok 6, Barangay Cabasagan Lala, Lanao del Norte.

Ayon kay Maj. Evan Viñas, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) si Gaabucayan ang itinuturong pumatay kina Roland Sherwin Uy, 45, anak ni Mayor Rolando Uy at kanilang tauhan na si Samuel Pabalan.

Sa imbestigasyon ng pulisya personal alitan ang motibo sa krimen at nadamay lamang si Pabalan.

Magugunitang noong Nobyembre 11, 2021 pinagbabaril patay sa Barangay Pagatpat, Cagayan de Oro City ang batang Uy na noo’y barangay kagawag ng Barangay Carmen habang si Pabalan ay kanilang caretaker sa negosyo nilang gravel and sand sa Barangay Pagatpat.

Nabatid na ang suspek ay dating kasapi ng NPA Special Partisan Unit na nag-ooperate sa Sindangan, Zamboanga Del Norte.

Kasalukuyan nakakulong sa Maharlika Detention Facility para sa tamang disposisyon at dokumentasyon sa naturang kaso./Mary Anne Sapico