Ex-NTF adviser oks sa pagsasama sa 1st COVID booster jab sa depinisyon ng ‘fully vaccinated’

Ex-NTF adviser oks sa pagsasama sa 1st COVID booster jab sa depinisyon ng ‘fully vaccinated’

August 11, 2022 @ 5:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng dating government adviser ang pagsuporta sa plano ng Department of Health (DOH) na muling ipanukala ang redepinisyon ng terminong “fully vaccinated” upang isama ang mga indibidwal na nakatanggap na ng unang COVID-19 booster shot.

Sa Palace public briefing, sinabi ni dating National Task Force (NTF) against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na maraming mga bakuna ang nagre-require ng tatlong doses gaya ng sa polio at hepatitis B.

“Kadalasan talaga hindi pa natin alam nung nag-uumpisa tayo kung ano talaga ang sapat na numero ng bakuna para ikaw ay matawag na fully vaccinated,” aniya.

“Ako, payo ako…sang-ayon ako sa mungkahi na gawing three talaga ang tinatawag na fully vaccinated para at least mas maraming tao ang mapo-protektahan lalong lalo na na mago-open tayo ng ating paaralan,” dagdag pa ni Herbosa.

Inihayag ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Miyerkules na irerekomenda nila sa Office of the President na ang depinisyon ng fully vaccinated ay baguhin upang isama ang unang booster shot.

Binigyang-diin pa ni Herbosa ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng booster shots dahil ang immunity kontra COVID-19 ay humihina pagsapit ng ikatlo o ika-anim na buwan matapos makatanggap ng primary vaccine series.

“Very important na i-announce talaga na ang ating proteksyon…nagwe-wane ang antibodies, bumababa ang lebel kaya kailangan talagang magpa-booster ‘yung nabakunahan na ng dalawang primary dose,” aniya.

Nauna nang sinuportahan ni Herbosa ang panukala ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na lagyan ng expiry date ang validity ng vaccination cards at palitan ng booster cards upang hikayatin ang publiko na magpaturok ng COVID-19 boosters sa gitna ng pandemya.

Batay sa pinakabagong datos ng DOH, 16.8 milyong Pilipino na ang naturukan ng booster shots, habang 72 milyon na ang fully vaccinated laban sa COVID-19. RNT/SA