Ex-parak pinag-almusal sa harap ni misis

Ex-parak pinag-almusal sa harap ni misis

February 23, 2021 @ 3:55 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Bulacan, Philippines – Patay ang isang 53-anyos na retiradong pulis matapos pagbabarilin sa harap ng kanyang misis sa isang restaurant  sa San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan.

Kinilala ang biktima na si Alejandro Gerardo Liwanag, residente ng Brgy. Maharlika.

Ang dalawang hindi kilalang suspek ay pawang nakasuot ng face mask at hoody jacket.

Sa report ng SJDM Police, nangyari ang pamamaril bandang 8:54 ng umaga sa Kubo sa Bayan restaurant sa Brgy. Poblacion 1.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Dexter Mabatas, umoorder ng maaalmusal ang biktima at ang kanyang misis nang biglang sumulpot ang dalawang suspek hanggang sa pagbabarilin ang retiradong parak.

Agad na tumakas ang mga suspek na sinasabing lulan ng puting van sa direksyon ng Brgy. Gaya-gaya na umano’y may lagusan papunta sa bayan ng Sta. Maria at Marilao.

Isinugod naman ng City rescue team ang biktimang tadtad ng tama sa iba’t ibang parte ng katawan sa Skyline Hospital para sa paunang lunas subalit dead-on-arrival ito.

Nabatid na ang biktima ay dating nakatalaga sa PDEG sa Camp Crame.

Agad nagsagawa ng drug net operation at patuloy na nangangalap ng CCTV footages ang mga pulis para makilala at tuluyang mahuli ang mga suspek. Dick Mirasol III


  •  
  •  
  •