Ex-PDEA official na nasa drug list ni Duterte, sumuko

Ex-PDEA official na nasa drug list ni Duterte, sumuko

January 25, 2023 @ 5:46 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – Sumuko sa mga awtoridad nitong Miyerkules, Enero 25 si dismissed Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Metro Manila director Erwin Ogario.

Ito ang kinumpirma ng Philippine National Police kung saan si Ogario — isa sa mga opisyal ng gobyerno na kasama sa listahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na itinuturong sangkot sa illegal drug trade — ay personal na sumuko kay regional director Brig. Gen. Rommel Marbil sa Palo, Leyte dahil nakakatanggap umano siya ng banta sa buhay.

Ang arrest order laban kay Ogario ay inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 227 noong Enero 3, 2019 sa di-umano ay paglabag sa
Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Si Ogario ay hepe ng PDEA sa NCR nang matanggal ito sa pwesto noong 2017 dahil sa grave misconduct at conduct “prejudicial to the best interest of the service.”

Sa ulat, si Ogario ang nagpasilidad na makalaya ang drug suspect na si Eddon Dalisay na naaresto makaraang tumanggap ng isang parcel na naglalaman ng ecstacy tablets noong 2015. RNT/JGC