Ex-PDEA RD itinalaga ni PBBM na Customs chief

Ex-PDEA RD itinalaga ni PBBM na Customs chief

July 21, 2022 @ 10:04 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Yogi Filemon Ruiz bilang acting commissioner ng Bureau of Customs (BOC).

Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles noong Huwebes.

Sinabi niya na si Ruiz ay nanumpa sa opisina nitong Miyerkules, Hulyo 20.

Si Ruiz ay itinalagang BOC Director of Enforcement and Security Services (ESS) noong 2017 ng dati niya ring boss sa PDEA, at noon ay Customs Commissioner Isidro Lapeña.

Bilang ESS chief, responsible si Ruiz sa Water Patrol Division at security ng BOC sa mga pantalan.

Dati nang nagsilbi si Ruiz bilang regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency 7.

Noong 2017, naging kontrobersyal ang pangalan ni Ruiz matapos hubaran ang mga bilanggo ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center ng mga anti-narcotics agents na nagsagawa ng drug raid sa pasilidad.

Sa isinagawang greyhound operation, nasabat ang ilang ilegal na droga at kontrabando. RNT