Ex-PNP Chief Purisima, gigisahin ulit sa P1.8-B Mahindra anomaly

Ex-PNP Chief Purisima, gigisahin ulit sa P1.8-B Mahindra anomaly

July 3, 2018 @ 4:21 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Muling igigisa ng Senado si dating Philippine National Police Chief, Director General Alan La Madrid Purisima sa isasagawang pagbubukas ng panibagong imbestigasyon sa P1.8-B halaga ng sasakyan na binili sa Mahindra Philippines.

Inihayag ito kahapon ni Senador Grace Poe sa isang panayam sa radio matapos maglabas ng report ang Commission on Audit (COA) na pumapabor sa naunang imbestigasyon ng Senado hinggil dito na may anomalya ang proyekto ng PNP.

Sinabi ni Poe na nakatakda siyang maghain ng isang resolusyon bago magbukas ang sesyon sa July 23, 2018 upang mapatawag kaagad ang mga sangkot sa anomaly bukod kay Purisima.

“Opo, alam ko marami na tayong naiinis dito sa mga deals na ito pero huwag nating kalilimutan na ang mga hearing na ito, nagiging basehan rin ng kaso katulad din ng nangyari sa MRT, naging basehan din iyan ng Ombudsman. Napatawag natin si Gen. Purisima dahil isa siya sa sangkot doon, kailangan nating ipatawag ‘yung namuno ng DILG sapagkat hindi naman ganito kalaki, P1.8 billion hindi naman maaaprubahan iyan ng PNP kung hindi po iyan pinaboran din ng DILG,” ayon kay Poe.

“Tapos makikita natin, kung tatanggapin lahat ni Gen. Purisima ang pagkakasala dito o ang pagkakamali o mayroon siyang ituturo na nag-impluwensya sa kanya para aprubahan ito,” dagdag ng senador.

Aniya, kailangan maipatawag ang mga sangkot na dating opisyal sa panahon ni Pangulong Aquino bago mag bukas ang sesyon o mag State of the Nation ni Pangulong Duterte.

“Gusto ko sana nga before kasi ito’y pressing issue, ‘di ba marami ngang nasisirang mga PNP vehicles, 1,475 ‘yung kailangan natin,” aniya.

“Uunahin ko lang muna ‘yung isang hearing namin sa TRAIN sa Cagayan de Oro para doon sa tulong sa mga drivers at saka doon sa unconditional cash transfer, tapos baka ma-schedule natin ito the week before magbukas ang SONA po,” dagdag ng senador.

Kamakailan, nagpalabas ng report ang COA na nagkaroon ng anomalya sa pagbili ng P1.8-B halaga ng sasakyan  sa Mahindra Phlippines, kaya’t pinakakasuhan ang sangkot dito. (Ernie Reyes)