Ex-PTV4 officials, binanatan ni Tulfo sa pangungurakot ng pondo

Ex-PTV4 officials, binanatan ni Tulfo sa pangungurakot ng pondo

October 11, 2022 @ 11:53 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Matinding binanatan ni Senador Raffy Tulfo ang dating pamunuan ng PTV – 4, ang television channel ng pamahalaan sa pangungurakot ng pondo na makikita sa nabubulok na pasilidad at kawalan ng maayos na pasahod sa empleado.

Sa ginanap na pagdinig sa badyet ng Office of the Press Secretary sa pamumuno ni Atty. Chelo Garafil, sinabi ni Tulfo na dapat magkaroon ng agarang pagsasaayos ng nabubulod na pasilidad ng PTV4.

Ipinanood ni Tulfo ang sariling video sa Studio C ng PTV4 na naging tambakan ng mga gamit kabilang ang mga upuan sa opisina na nakatali sa cabinet.

Ipinakita rin dito ang parking area na puno ng sasakyan; ang hindi epektibong waterproofing dahil mayroong tagas sa hallway at bubong at maduming kubeta.

“20 years ago noong nagtrabaho ako diyan, hanggang ngayon ganyan pa rin ang kalagayan diyan. Walang asenso. Ano pong ginagawa ng GM at Chairman ng PTV4 ng nakaraang administrasyon at hindi po na-address ‘yan? I can tell you. Kinurakot siguro nila ang budget para sa PTV4,” ani Tulfo.

Naalala ni Tulfo na noong siya ay nagtatrabaho pa sa PTV 4 ay bawal mong punahin ang mga problema sa network dahil pwede kang sibakin ng management at mawalan ng trabaho.

Bukod sa katiwalian, iginiit ni Tulfo na ang PTV4 ay hindi nag-improve dahil walang puso sa trabaho ang mga namuno dito.

“Kung naglagay sana kayo ng tao na talagang may karanasan sa pagma-manage ng TV network, at mayroon talagang puso at dedikasyon sa kanyang trabaho, e matagal na po sanang na-improve ang PTV4. Kaya siguro hindi umasenso ‘yan, kasi walang pakialam ang mga taong umupo, kasi alam nila na after six years, ay aalis na sila doon, at bahala na ang papalit sa kanila. Ang alam ay pera-pera lang,” ani Tulfo.

Pinayuhan ni Tulfo si OPS OIC Velicaria-Garafil na bisitahin ang opisina ng PTV 4 at makipag-usap sa mga empleyado nito upang makita ang tunay na sitwasyon sa network.

Ani Tulfo, ang mga problemang kinakaharap ng at mga empleyado nito ay napakapersonal sa kanya dahil nagsimula siya sa kanyang broadcasting career sa network.

Kasabay nito, hiniling din ni Tulfo kay Garafil at pamunuan ng People’s Television Network (PTV4) na aksyiyunan ang matagal nang kahilingan ng mga empleyado sa pagtaas ng pasahod.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee, sinabi ni Tulfo na nabigo rin ang pamunuan ng PTV-4 na gawing regular ang kanilang contract-of-service na empleyado.

“Mahirap po ang trabaho ng mga reporters ng PTV44. Sila po ang nasa frontline para pa-gwapuhin ang imahe ng administrasyon. Ginagawa din po nila ang lahat to properly disseminate news and information. Pero ano pong ganti sa kanila? Kinakawawa sila,” ani Tulfo.

Nagtrabaho bilang reporter at anchor ng PTV4 si Tulfo dati, at sinabi niyang walang pinagbago ang network mula noon hanggang ngayon.

Sinabi ni OPS-Broadcast Media Services Usec. Ina Reformina na kailangan nila ng bagong organizational structure na aprubado ng Governance Commission for GOCCs (GCGs) upang matiyak ang pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa.

Nang hilingin ni Tulfo na magbigay ng isang tiyak na timeline sa paglutas ng problema sa kontraktwalisasyon at suweldo ng mga empleyado ng PTV4, nagbigay si Head Executive Assistant Raymund Sanchez ng dalawang taon. Ernie Reyes