Ex-rebel tutulungan ng PSA sa birth record

Ex-rebel tutulungan ng PSA sa birth record

February 11, 2023 @ 3:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa Negros Oriental nitong Biyernes, Pebrero 10, na tulungan ang mga dating rebelde na makakuha ng birth certificate at iba pang opisyal na dokumento upang mapabilis ang aplikasyon ng mga ito sa financial assistance ng pamahalaan at iba pang programa.

Isinagawa ang pangakong ito kasabay ng pagpupulong para sa Local Integration Program o E-CLIP na dinaluhan ng iba pang ahensya, ani Engr. Ariel Fortuito, PSA-Negors Oriental provincial director at chief statistical analyst, bilang selebrasyon ng Civil Registration Month ng PSA.

“We have asked that these former rebels first be identified to determine whether they have been registered or not. From there, we can help facilitate the registration and release of their birth certificates,” ani Fortuito.

Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa probinsya na posibleng abutin ng isang taon bago makuha ang lahat ng requirements sa E-CLIP, at karamihan umano sa mga former rebels (FR) ay walang birth record at hindi makakuha ng kopya ng kanilang birth certificate.

Karaniwan wala rin umanong valid identification cards ang mga FR, na nagpapabagal pa lalo sa proseso.

“The PSA will meet soon with the different local civil registrars so that we will locate these FRs and register them at the earliest time possible,” sinabi pa ni Fortuito.

Pagkatapos nito, irerehistro ng PSA ang mga ito sa pamamagitan ng
Philippine Identification System (PhilSys) upang magkaroon ang mga dating rebelde ng national identification cards.

Gagamitin naman ang national ID na ito para makapagbukas sila ng account sa Land Bank of the Philippines, kung saan inilalagay ng pamahalaan ang mga benepisyo sa mga ito.

Ang E-CLIP ay programa ng pamahalaan na naglalayong makapagbigay ng tulong at iba pang benepisyo sa mga FR upang sila ay makabalik sa kani-kanilang pamilya at makapagsimula ng bagong buhay.

Samantala, 10 dating rebelde na sumuko noong 2020 ay makatatanggap na ng kanilang E-CLIP assistance na P65,000 bawat isa, maliban pa sa ibang benepisyo. RNT/JGC