Ex-SB member sa Cagayan, patay sa dump truck

Ex-SB member sa Cagayan, patay sa dump truck

January 14, 2023 @ 12:39 PM 3 weeks ago


SOLANA, CAGAYAN- Pinaglalamayan na sa ngayon ng pamilya’t kamag-anak ng dating Sangguniang Bayan member sa Iguig, Cagayan matapos masangkot sa aksidente sa Buntun Bridge na bahagi ng Barangay Maddarulug, Solana, Cagayan.

Kinilala ang dating SB Member na si Ruben Gabriel habang ang drayber naman ng dump truck ay si Dexter Fabian.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Solana Police Station ay tinatahak umano ni Gabriel at Fabian ang magkasalungat na direksyon nang mangyari ang aksidente.

Napag-alaman na nasa tamang linya umano ang dump truck na minamaneho ni Fabian habang papasalubong naman umano ang biktima sakay ang kaniyang motorsiklo sa kaparehong linya.

Nasalpok umano ng biktima ang isang traysikel dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa manibela at nawalan ng balance hanggang sa pumailalim sa dumptruck na nasa likod ng nabanggang traysikel.

Dahil sa lakas ng impact ay nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Nagawa pa itong isugod sa pagamutan ng mga rumespondeng rescue ngunit binawian rin ito ng buhay.

Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya si Fabian habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya. Rey Velasco