Ex-SRA chief Serafica ipinatawag ng Senado sa sugar mess probe

Ex-SRA chief Serafica ipinatawag ng Senado sa sugar mess probe

August 23, 2022 @ 4:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines-  Ipinag-utos ng mga senador nitong Martes na personal na dumalo si dating Sugar Regulatory Administrator Hermenegildo Serafica unang hearing ng Senate blue ribbon committee sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4 (SO 4).

Naghain ng mosyon si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hinihiling sa panel na i-require ang pisikal na presensya ni Serafica sa hearing.

Kinwestiyon naman ni Senate blue ribbon committee chairman Francis Tolentino ang hindi pagdalo ni Serafica sa imbestigasyon gayong nakadalo naman siya sa parallel probe ng Kamara.

“Ito tanong ni Senator Dela Rosa sa House umaattend ka bakit sa Senate ayaw mo umattend?” tanong ni Tolentino.

Ipinaliwanag ni Serafica na hindi siya nakapagcomply sa revised health protocolsna ipinatutupad ng Senado dahil sa traffic nitong Lunes ng gabi at hindi niya naproseso ang mga rekisitos.

Iginiit naman ni Senator Jinggoy Estrada na pwedeng pangasiwaan ng Senado ang COVID-19 antigen tests para kay Serafica upang makadalo siya sa proceedings.

Napagdesisyunan ng Senate panel na ipatawag ang dating SRA chair sa komite bago magtanghali nitong Martes.

“The Senate Blue Ribbon Committee directs you to proceed to the second floor of the Senate premises now. You’re just in Parañaque which is just a few minutes away. We expect you to be here before 12 o’clock,” ani Tolentino.

Matatandaang nagbitiw sa pwesto si Serafica nitong nakaraang linggo kasunod ng umano’y unauthorized issuance ng SO 4 na pumapayag sa pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa gitna ng pagtaas ng presyo nito. RNT/SA