Ex-SRA exec: Pag-angkat ng 600,000 MT asukal nabanggit ni PBBM sa pulong

Ex-SRA exec: Pag-angkat ng 600,000 MT asukal nabanggit ni PBBM sa pulong

September 6, 2022 @ 3:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos  Jr. ang ideya ng pag-aangkat ng 600,000 metric tons (MT) ng asukal sa bansa, sabi ni dating Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Hermenegildo Serafica sa mga senador nitong Martes.

Sa muling pag-arangkada ng hearing ng Senate blue ribbon committee, tinanong ni Senator Risa Hontiveros si Serafica ukol sa kanyang supplemental affidavit kung saan ibinahagi niya ang online meeting na umano’y dinaluhan mismo ng Pangulo at ng kanyang Executive Secretary na si Vic Rodriguez noong Agosto 4.

Sa nasabing meeting, inihayag ni Serafica na iginiit ng Pangulo ang kanyang utos na mag-angkat ng asukal kaya “it was recommended that 300,000 MT of sugar should be imported.”

Nang tanungin ni Hontiveros kung sino ang nagrekomenda nito, sinabi ni Serafica na base ito sa rekomendasyon ng stakeholders matapos ang July 29 meeting ng sugar farmers, millers, at refiners.

“Where there any objections to the recommendation to import  300,000 metric tons?” muling tanong ng senador.

“I could not recall any objection at that point in that meeting,” tugon naman ni Serafica.

Inulit pa ng resigned official ang nauna niyang pahayag na mayroong utos na magsumite ng import plan. Sa lenggwahe umano ng SRA, aniya, ang import plan ay isang import program insa uri ng draft sugar order.

Ipinagpatuloy ni Hontiveros ang kanyang pagtatanong, at kinuwestiyon si Serafica ifkung mayroon pang ibang mga isyu na natalakay sa August 4 meeting kasama nag Pangulo.

“Actually in that online meeting with the President, former  board member Valderrama was also in that online meeting and the President mentioned about a volume of 600,000 metric tons and I said, ‘Mr.  President, that maybe too much…’,”  paglalahad ni Serafica, at sinabing magsisimula na ang milling  season noong panahong iyon.

Kinumpirma naman ni SRA board member Aurelio Valderrama, na dumalo rin sa hearing, ang pahayag ni Serafica.

“Yes, this was discussed in our Zoom meeting together with the President and he mentioned the  600,000 but former administrator Serafica said that it might be too much because the milling season is about to open,” ani Valderrama.

Nagsasagawa ang Senate blue ribbon committee ng imbestigasyon sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4 na nagbibigay-awtorisasyon sa pag-angkat ng 300,000 MT ong asukal sa bansa. Subalit, inihayag ng Malacañang na iligal umano ito at hindi ipinagbigay-alam sa Pangulo. RNT/SA