Ex-Unisan, Quezon VM, pinagpapaliwanag sa kontratang pinasok ng Quezelco 1

Ex-Unisan, Quezon VM, pinagpapaliwanag sa kontratang pinasok ng Quezelco 1

February 23, 2022 @ 11:00 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Pinagpapaliwanag si dating Unisan Vice-Mayor, Danilo Suarez Jr. ukol sa pagkakasangkot sa kwestyunableng kontratang pinasok ng Quezon I Electric Cooperative, Inc. (Quezelco I) noong siya ang direktor at presidente nito mula taong 2013 hanggang 2016.

Sa ngayon ay iniimbestigahan ng Committee on Investigation and Appeals (CIA), ang sinasabing pagbili ng kuntador na nagkakahalagang P110,000,000 na hindi umano dumadaan sa tamang proseso ng bidding.

Batay sa pagsusuri ng CIA, napag-alaman na naglabas si Suarez ng mga resolusyon para sa pagbili ng mga nasabing kuntador.

Dalawang beses umano siyang naghain ng resolusyon para palawigin ang kontrata ng kooperatiba sa Enex electric para sa pagbili ng ‘Intech’ kwh meters na isang uri ng kuntador.

Batay sa report, bumili ang Quezelco I ng 3,600 na piraso ng Intech kwh meters mula buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng 2015 na nagkakahalagang P7.695 milyon; at nasundan pa ito noong 2016 na kung saan muli itong bumili ng dagdag 3,600 piraso ng nabanggit na kuntador sa parehong presyo.

Sa kabuuan, aabot umano sa P110.9 milyon ang ginastos ng Quezelco I para sa pagbili ng Intech kwh at iba pang kagamitan sa Enex electric mula Mayo ng 2013 hanggang Disyembre 2016.

Base sa liham na ipinadala kay Suarez Jr., pinagpapaliwanag ito ukol sa ulat na hindi umano dumaan ang nasabing mga pagbili sa bidding. RNT