Ex-VM nagpasaklolo; anak na babae nawawala

Ex-VM nagpasaklolo; anak na babae nawawala

March 1, 2023 @ 11:00 AM 1 month ago


MASBATE- NANAWAGAN sa publiko ang isang ina na dating bise alkalde ng San Fernando, Masbate na tulungan silang makita ang anak niyang babae na nawawala simula pa noong Pebrero 20, 2023.

Sa pahayag ni dating vice-mayor Karla Bunan, huling nakita ang anak na si Veronica Bunan Romualdez, 30, sa basement ng Okada hotel sa Parañaque kasama ang dating asawa nitong si John Lorenz Romualdez.

Aniya, simula nang mawala ang anak ay hindi man lamang siya nakatanggap ng tawag o mensahe maging sa kanyang mga kaibigan na hindi nito gawain kapag umaalis sa kanyang tinitirhang condo sa BGC Taguig City.

Kinausap din niya ang dating asawa ng anak na si Romualdez subalit ang sagot lamang sa kanya ay wala siyang alam.

Pero, kumbinsido ang ina na gustong makipagkita ni Romualdez sa kanyang anak para makipagbalikan.

Nagtungo na rin sa Taguig Police Station ang pamilya ng dating alkalde at naghain ng missing person report.

Ipinakalat na rin ng pamilya at mga kaibigan sa social media post ang mga larawan ni Nicka para sa mabilis na paghahanap. /Mary Anne Sapico