Ex-VM sa Aurora, asawa, drayber pinaulanan ng bala

Ex-VM sa Aurora, asawa, drayber pinaulanan ng bala

October 5, 2022 @ 8:51 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinambangan at pinagbabaril ang dating bise alkalde ng bayan ng Dipaculao sa Aurora na si Narciso Amansec, kasama ang kanyang asawa, at driver na napatay ng hindi pa nakikilalang mga suspek nitong Lunes.

Kinilala ng pulisya ang iba pang mga biktima na asawa ni Amansec na si Merlina at ang driver na si Leonard Talosa.

Sakay ng maroon pick up truck ang mga biktima at binabaybay ang Barangay Dibutunan nang mangyari ang pananambang.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente habang patuloy ang kanilang pangangalap ng mga ebidensya at nag-organisa ng Special Investigation Task Group (SITG).

Samantala, sa isang pahayag na ipinost sa social media, sinabi ng pamilya Amansec na nasa state of shock pa rin sila at humihingi ng privacy sa ngayon.

“In behalf of the whole family. We appreciate your concerns po, and we thank you for reaching out. As much as we want to answer, we would like to keep our mourning privately for now. Please do understand that we are also in state of shock. Salamat po sa pang unawa. God bless us all,” ayon sa pamilya.

Nangako naman si Aurora Gov. Christian Noveras, sa isang Facebook post, ng hustisya at kinondena ang pagpatay sa mga biktima.

“Bilang Punong Lalawigan, hustisya ang hangad ko para kay Bokal Amansec, sa kanyang asawa, at sa kanyang driver,” ani Noveras.

Inatasan niya ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng masusing imbestigasyon, at idinagdag na hindi niya hahayaang mangibabaw ang ganitong uri ng kultura sa kanyang lalawigan. RNT