EX-VM SANGKOT SA P110M ILIGAL NA KONTRATA SA QUEZELCO

EX-VM SANGKOT SA P110M ILIGAL NA KONTRATA SA QUEZELCO

February 24, 2022 @ 12:03 PM 4 months ago


NANATILING tikom ang bibig ng dating vice mayor ng Uni­san, Quezon na si Danilo Suarez Jr. sa pagkakasangkot sa iligal na kontratang pinasok noong siya’y naninilbihan bilang direktor at presidente ng Quezon 1 Electric Cooperative Inc. (QUEZELCO1) noong 2013-2016.

Sa dokumentong hawak ng Good Riddance, nauna nang sinulatan ni Atty. Frumencio Pulgar, abogado ng QUEZELCO1, si Suarez upang dumalo sa imbitasyon ng Committee on Investigation and Appeals (CIS) nito at personal na makapagpaliwanag at malinis ang kanyang pangalan, subalit tila hindi ito pinansin ng huli.

Tuloy hindi n’ya mabig­yan ng liwanag ang akusas­yon sa kanya hinggil sa pagbili ng mga kontador na nagkakahalagang P110,000,000 na hindi umano dumaan sa ta­mang proseso ng bidding na mariing pinatutupad ng National Electrification Administration (NEA).

Batay sa pagsusuri ng CIA, napag-alamang naglabas si Suarez ng mga resolusyon salungat sa Republic Act no 9184 (Revised Procurement Act).

Nakasaad na rin sa liham ni Atty. Pulgar na dalawang beses naghain ng resolusyon si Suarez na nag-uutos para palawigin ang kontrata ng kooperatiba sa Enex Electric para sa pagbili ng ‘intech’ kwh meters, isang uri ng kontador, na hindi dumaraan sa kinakailangang public bidding.

Ani Pulgar, bumili ang QUEZELCO1 sa panahon ni Suarez ng 3,600 na piraso ng Intech kwh meters mula buwan ng Hulyo hanggang Dis­y­embre ng 2015 na nagkakahalagang P7.695 milyon at nasundan pa ito noong 2016 ng 3,600 piraso sa parehong presyo.

Sa kabuuan, aabot sa P110.9M ang ginastos ng QUE­ZELCO1 para sa pagbili ng Intech kwh at iba pang kagamitan sa Enex Electric mula 2013 hanggang 2016.

Kasabay nito, nabatid na nagkulang umano ito, ayon na rin sa pag-aaral sa kalidad at presyo ng mga nabiling kontador at napag-alaman din ang hayagang pagsuway ng mga director sa utos ng NEA na magsagawa ng bidding.

Isang malaking palaisipan din ang tila pikit-mata at tikom-bibig na katahimikan ng mga direktor ng kooperatiba sa ha­yagang pagsuway ng Enex sa napagkasunduang kontrata na minadali ang pagbayad sa kompanya na inabot ng 10 araw lang at hindi 60 araw batay sa kontrata.

Naging malamya rin ang aksyon ng QUEZELCO1 sa pananagutan ng Enex sa pagka-antala ng delivery ng halos isang buwan—isang pagsuway sa itinakdang kautusan ng R.A. 9184.

Sa naturang imbestigasyon ng CIA, lumalabas na may tila may pananagutan si Sua­rez na dapat n’ya lang ipaliwanag upang tuluyang malinis ang kanyang pangalan, iyan ay kung tunay ngang wa­la s’yang nagawang iregula­ridad.

Bukas lagi ang Good Riddance kay Suarez upang kan­yang mapasubalian ang akusasyon laban sa kanya.

Ang aking email address ay [email protected] at ang mobile phone ay 0919-927-84-77 pero bago tuma­wag mag-message muna upang magpakilala kasi hindi gawi ng inyong lingkod ang basta-bastang pagsagot sa tawag sa telepono for obvious reasons.