Excise Tax sa junkfood ipinanawagan ng DOH

Excise Tax sa junkfood ipinanawagan ng DOH

September 10, 2022 @ 1:39 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Health (DOH) nitong Biyernes ng mas mataas na excise tax sa junk food para masugpo ang obesity sa bansa at mapondohan ang Universal Health Care program.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang labis na katabaan ay nananatiling problema sa kalusugan ng publiko sa bansa.

“This sin tax is part of our strategies for us to be able to regulate and control these different lifestyle risk factors,” sabi ni Vergeire sa press briefing.

Batay sa pinakahuling survey mula sa Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology, sinabi ni Vergeire na humigit-kumulang 27 milyong Pilipino ang sobra sa timbang at obese, ayon sa ulat noong Marso 2022 mula sa Unicef.

Dagdag pa ng DOH na sa nakalipas na 2 dekada, ang sobrang timbang at labis na katabaan sa mga nasa hustong gulang ay halos dumoble mula 20.2 porsiyento noong 1998 hanggang 36.6 porsiyento noong 2019

Katulad nito, ang prevalence rate ng sobrang timbang at obesity sa mga kabataan ay dumoble mula 4.9 porsiyento noong 2003 hanggang 11.6 porsiyento noong 2018.

Para sa taong ito, humigit-kumulang 59 porsiyento o P155 bilyon ng budget ng DOH ay galing sa sin taxes,ayon pa kay Vergeire. Jocelyn Tabangcura-Domenden