Exodus ng mga solon sa PDP-Laban – pinabulaanan

Exodus ng mga solon sa PDP-Laban – pinabulaanan

July 27, 2018 @ 5:13 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Minaliit lamang ni Negros Rep. Alfredo Benitez ang balitang magkakaroon ng exodus patungong Lakas-CMD ang mga kongresistang miyembro ng PDP-Laban.

Kasunod ito ng pahayag ni Oriental Mindoro Rep Reynaldo Umali na matapos ang pagbabago ng liderato ng Malaking Kapulungan ng Kongreso ay posibleng maglipatan na rin sa ibang partido ang mga mambabatas.

Ito aniya ay bahagi pa ng pagkakatanggal kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Si Benitez ay chairman ng House Committee on Housing and Urban Development gayundin ay siyang namumuno sa Visayan Bloc.

Pinabulaanan ni Benitez na pangungunahan niya ang exodus sa Hugpong ng Pagbabago Party ni Davao City Mayor Sarah Duterte.

“It will be politically unwise to let go of PDP-Laban party as it has established a formidable network of leaders from the grassroots to the national level,” ani Benitez.

Maging si Camarines Sur Rep. at Deputy Speaker Rolando Andaya ay nagsabing hindi nakapagtataka kung magkakaroon ng mga lipatan sa ibang partido matapos makudeta si Alvarez, ang secretary-general ng PDP-Laban.

Ani Andaya posible aniyang muling magpalakas ang Partido Lakas-CMD na binuo at pinasimulan ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay miyembro na rin ng PDP-Laban.

Ani Andaya mukhang ang alyansa ng Lakas-CMD at Hugpong ng Pagbabago ay lumakas.

Ngunit binigyang diin ni Benitez na imposible ang exodus dahil si Pangulong Rodrigo Duterte ay kasapi ng PDP-Laban.

“I see no reason why the president will abandon the party,” dagdag pa ni Benitez.  (Meliza Maluntag)