Express delivery nilooban ng armadong mga holdaper

Express delivery nilooban ng armadong mga holdaper

December 27, 2022 @ 7:08 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isang babae ang malubhang nasugatan matapos barilin ng isa sa mga armadong holdaper na pumasok at nanloob sa bodega ng isang express delivery sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kaagad na isinugod sa Manila Central University (MCU) Hospital ang 26-anyos na biktima na nakatalaga sa cash-on-delivery (COD) remittance ng J & T Express matapos magtamo ng tig-isang tama ng bala sa kaliwang braso at kaliwang hita.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-8:10 ng gabi nang pasukin ng walong kalalakihan na pawang mga armado ng matataas na kalibre ng baril, nakasuot ng vest jacket, bull cap at face mask, ang bodega ng J&T Express sa No. 15-A Industry Road1, Barangay Potrero.

Pinadapa ang mga kawani na kinabibilangan ng limang babae at limang lalaki habang dinis-armahan ang isa sa dalawang security guard na may nakasukbit na service firearm.

Hindi naman nabanggit sa ulat kung bakit binaril ng isa sa mga holdaper ang babaing kawani matapos simulang samsamin ang kanilang mga personal na gamit.

Natangay ng mga holdaper ang hindi pa batid na halaga ng salapi sa bodega ng naturang express delivery, pitong cellular phone ng mga kawani na may kabuuang halagang P75,000, ilang personal na gamit tulad ng handbag na may lamang P500 cash, assorted ATM at ID cards, isang Boss speaker na nagkakahalaga ng P8,000 at ang kalibre .9mm na baril ng guwardiya na may magazine na naglalaman ng pitong bala.

Matapos ang panloloob, kaagad na tumakas ang mga holdaper, sakay ng isang itim na Isuzu MUX na may plakang DAE-8422 patungo sa Victoneta St., Brgy. Potrero na nakita sa nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar.

Nagsagawa naman kaagad ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon police subalit bigo silang makilala at matugis ang mga holdaper.

Patuloy namang nagsasagawa ng pagsisiyasat sina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting, may hawak ng kaso at nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga barangay at may-ari ng mga establisimientong may nakakabit na CCTV na maaring makatulong para sa pagkakakilanlan ng mga holdaper. Boysan Buenaventura