Extension ng voter registration sa BSKE, malabo – Comelec

Extension ng voter registration sa BSKE, malabo – Comelec

January 4, 2023 @ 4:54 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Malabong palawigin ang kasalukuyang nagaganap na voter registration pag-lampas sa deadline nito na Enero 31, sinabi ng Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi ito natalakay sa deliberasyon ng poll body en banc.

Iginiit ni Garcia sa mga kwalipikadong botante na huwag maniniwala sa mga sabi-sabi na palalawigin ang voter registration.

Dapat na aniyang magparehistro at huwag nang hintayin kung palalawigin o hindi upang masuportahan o hindi ang kasalukuyang opisyal nananunungkulan sa kanilang komunidad.

Ang pahayag ni Garcia ay matapos muling ipagpatuloy ang voter registration matapos ang holiday break.

Target ng Comelec ang nasa 1.5 milyon hanggang 2 milyong bagong botante sa pagtatapos ng registration period.

Nauna nang naglunsad ang poll body ng programa upang hikayatin ang mas maraming aplikante na magparehistro tulad ng satellite registration, register Anywhere Propject (RAP) sa mga mall sa Metro Manila at ilang lugar sa Bicol, Visayas at ang quad-media presence sa social media, telebisyon, radyo at print.

Bukod sa SM at Robinsons malls, nakatakda ring magsimula ang Komisyon sa Senado ng Pilipinas at Government Service Insurance System (GSIS).

Sinisikap din nitong makakuha ng hindi bababa sa dalawang unibersidad na makakatuwang sa nasabing programa. Jocelyn Tabangcura-Domenden