Extension sa PUV modernization coop, corp inihihirit

Extension sa PUV modernization coop, corp inihihirit

January 29, 2023 @ 9:44 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nananawagan ang grupo ng mga jeepney operators sa pagpapalawig ng March 2023 deadline sa public transport franchise holders na bumuo ng isang single entity-cooperative o corporation sa ilalim ng PUV Modernization Plan.

Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Boy Rebaño nitong Sabado, Enero 28, humiling ang grupo na palawigin pa ang nalalapit na deadline sa Marso 31 dahil posibleng mawala ang mga existing documents na hawak ng mga individual operator.

Ipinaliwanag ni Rebaño na ang unang hakbang sa modernization program ay pagsamahin ang mga existing document sa isang entity.

“‘Yung consolidation, ‘yan ‘yung ipinairal ngayon… Lahat ng bumibiyahe sa isang ruta, kailangan magsama-sama at magtayo ng isang entity either corporation o cooperative,” aniya.

“Kapag hind ito nagawa, ‘yung posibilidad na hindi na pagkalooban ng prangkisa o renewal of franchise, doon mangyayari,” pagpapatuloy nito.

Samantala, sinabi naman ni Rebaño, sa kanilang pagtatanong sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na mukhang mapagbibigyan naman ang hiling nila para mabigyan ng panahon na makapagdesisyon ang mga operator ng traditional jeepney.

“Ang nababanggit kahapon, kahit isang taon na i-extend.”

Pagbabahagi pa ni Rebaño, nababahala umano ang mga driver ng traditional jeepney dahil posibleng ma-phase out sila kung hindi makapag-consolidate.

“Sa ngayon, hindi kami naniniwala na mape-phaseout ang mga tradisyunal na jeep,” aniya.

“Kapag sinabing phaseout, totally mawawala sa kalsada, kaya lang. hindi natin ito naririnig sa pamahalaan,” dagdag nito.

Mayroong 70,000 hanggang 80,000 na unit ng traditional jeepneys sa buong bansa ang FEJODAP mula sa mga miyembro nito.

Sa Metro Manila lamang umano ay mayroon nang 40,000 units ng traditional jeepneys. RNT/JGC