EYE CATARACT PACKAGE NG PHILHEALTH
March 4, 2023 @ 7:40 AM
3 weeks ago
Views: 179
Lea Botones2023-03-04T07:40:05+08:00
SA datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 9.22 milyon ang bilang ng senior citizens o katumbas ng 8.5% ng kabuuang populasyon ng bansa. At alam naman natin na bahagi ng pagtanda ang paglabas ng iba’t ibang karamdaman dala ng pagtanda na rin ng mga organo ng katawan. Isa na nga rito ang pagkakaroon ng katarata na maaaring magdulot ng pagkabulag sa ating mga nakatatanda. Mabuti na lamang at saklaw ng pakete ng Philippine Health Insurance Cor-poration (PHILHEALTH) ang eye cataract operation.
Kamakailan, nakapana-yam natin sa talk-public service program na “Health & Travel @ Serbisyo Publiko” si Dr. Aliento Allain Albrich Vadil, medical specialist mula sa PHILHEALTH NCR North at masusi niyang ipinaliwanag sa atin ang ukol sa paketeng ito na nagkakahalaga ng P16,000.00 sa bawat mata. Sakop nito ang halaga ng lente, hospital charges at professional fee.
Ang tanong ng karamihan, magkano ang coverage para sa PHILHEALTH cataract extraction?
Php16,000 pesos para sa isang mata, P32,000 para sa dalawang mata, ngunit hindi maaaring magpaopera nang sabay ang dalawang mata sa loob ng isang araw.
Paliwanag din ni Dr. Vadil na standard policy ng PHILHEALTH na hindi pwedeng pagsabayin ang operasyon ng dalawang mata para maiwasan ang anomang komplikasyon. Kumbaga, kung sakaling magkaroon ng impeksyon ay maililigtas pa ang kabilang paningin. Maba- bayaran naman daw ito pero sa halangang P16,000 na lamang.
Bakit mas mahal ang singil ng ibang doctor?
Kung ang pasyente ay pipili ng ibang lente na mas mahal, gawa sa Germany at Australia, kinakailangang may kasama sa lente para sa astigmatism, near sighted o far sighted. Hindi na ‘yan naayon sa paketeng rekomendado ng PhilHealth, doon nagkakaroon ng karagda-gang kabayaran.
Paano ba ang tamang proseso upang magamit ng isang benepisyaryo para sa cataract surgery?
Kung sinabi ng doctor na hinog na ang katarata at pwede nang operahan, kinakailangang siguraduhin ng pasyente na gusto niyang magpaopera sa kausap na doctor pati na rin kung saan ospital o pasilidad gagawin.
Paalala sa mga miyembro! Huwag munang ibigay ang inyong PhilHealth ID number at member’s data record (MDR) sa kausap mong doctor, kung nais pa ninyong mag-2nd opinion sa ibang doctor.
Ang doctor ang mag-aaasikaso sa pagkuha ng cataract pre-surgery authorization at schedule mula sa PhilHealth. Kung sakaling nagbago ang inyong isip, ayaw mo na sa unang doctor na nag-asikaso sa papeles. Kinakailangan pa ninyong pakiusapan ang unang doctor na i-cancel ang inyong pangalan sa system ng PhilHealth, dahil hindi maililipat ng PhilHealth sa pangalawang doctor ang pre-surgery authorization.
March 27, 2023 @12:29 PM
Views: 36
NAPAKALALAKI ang mga kasong droga sa kasalukuyan.
May mga patayan pa ngang kakambal nito.
KASO NI GOV. ADIONG
Unang pinakamalalaking sumambulat na kasong may kaugnayan sa droga ang pag-ambush kay Lanao del Sur Maminal Adiong Jr. sa Bukidnon nitong Marso 2, 2023.
Nakaligtas si Gov. Adiong at dalawang iba pa ngunit napatay ang apat pulis na eskort nito.
Pero mabibilis kumilos ang Police Regional Office 10 at inihayag ni spokesperson Major Joan Navaro na nahuli nila ang ilang suspek na sina Palawan Salem Macalbo, Nagac Dimatingkal Baratomo at Amirodin Dimatingkal Mandoc habang naunang napatay ang isang alyas Otin na kasamahan ng mga ito.
Isang Kumander Lumala at isang Oscar Gandawali ang pasimuno umano sa pag-ambush.
Nauna rito, mismong si Gov. Adiong ang nagsabing posibleng mga sangkot sa droga ang nang-ambus sa kanya.
Itong grupo umano ni Gandawali ang nang-ambus at pumatay sa limang Philippine Drug Enforcement Agency agents sa Kapai, Lanao del Sur noong 2018.
Kinumpirma ni Lanao del Sur PNP Spokesperson P/Maj. Alvison Mustapha na sangkot sa droga ang grupong ang kinabibilangan nina Macalbo.
TEVES VS DEGAMO
Pinakahuling nagreak si ex-President Mayor Digong Duterte ukol sa patayan nina Congressman Arnolfo Teves Jr. at Negros Oriental Roel Degamo nitong Mrso 4, 2023.
Sabi ni Tatay Digong, sangkot ang droga sa patayan at nagpapasalamat siya na hindi na siya Pangulo ng Pinas, kung hindi, eh, magkakaisyu na naman siya sa extrajudicial killing.
Nauna rito, may deklarasyon ang ilan sa mga killer kay Degamo na sangkot umano sa droga ang kanilang papatayin ngunit ‘di raw nila alam na si Degamo pala iyon.
Namatay ang isang escort ni Degamo, dalawang kapitan ng barangay at apat iba pa.
Isang suspek, si Arnil Labradilla na ex-NPA, ang napatay naman ng mga pulis sa kanilang follow-up operations.
MGA DAYUHAN
Makaraan ng mga patayang nabanggit, sunod-sunod naman ang pagkahuli ng mga sangkot sa droga gaya ng Turkey national na si Kemar Ozenir na nagmula sa Brazil na number supplier ng cocaine sa Europa.
Itinago ang mga dry cocaine sa mga karton ng sabon habang nakalagay sa shampoo bottles ang mga liquid cocaine na may kabuuang halagang halos P29 milyon at natuklasan ito sa Ninoy International Airport.
Sa Rockwell, Makati, naaresto naman ang mga Taiwanese na sina Chen Chien-Ning o Chang Yung-Han o Chang Yung Han, Wu Jheng Long o Wu Chang, Yang Zong Bao, and isang binatilyo at nakumpiskan ang mga ito ng nasa 84 baril at maraming bala.
Itong si Chen Chien-Ning ay big boss umano ng sindikatong kriminal, kasama ang droga sa hawak ng mga ito, sa Taiwan.
Kapag nagpatuloy ang mga ganitong pangyayari, saan kaya hahantong ang mahal kong Pinas?
March 27, 2023 @12:27 PM
Views: 36
NAKAAAWA ang mga nasusunugan.
Akalain mo, buo na silang ninanakawan ng apoy, ninanakawan pa sila ng mga kapwa tao na nagkukunwaring tumulong sa kanila.
MAMANG BUMBERO
Saan mo gustong mapuwesto?
Ito ang isang tanong sa aplikante at aprub na ang pagkabumbero.
Para sa mga baguhan, “kahat saan” ang sagot at nasa likod nito ang pagkakaroon ng magandang sahod ngayon, courtesy of ex-President Digong Duterte at, siyempre pa, mga mamamayan na nagbabayad sa kanilang serbisyo sa pamamagitan ng buwis.
Pero sa ilang beterano, mas gusto nila sa Metro Manila na kung minsan, sabay-sabay o sunod-sunod sa isang araw ang sunog.
Mga korap pala ang mga ito at gumagana ang korapsyon lalo na sa oras ng sunog.
Halimbawa na lang ang isang kakilala natin na nakapagpatayo ng bahay para sa pangalawa niyang batambata at seksing misis sa isang subdibisyon sa lalawigang kadikit ng Metro Manila.
Itinuturing itong “bayani” sa lakas ng loob nitong pumasok sa mga umuusok o umaapoy na condo o gusali pero target pala nito lagi ang mga posibleng pinagtataguan ng pera ng mga nasusunugan.
O, alam na ninyo kung bakit olweys hapi ang kanyang pangalawang maybahay?
BANTAY SALAKAY
Meron naman tayong katrabaho sa media na nasunugan.
Habang nagliliyab ang kaharap ng kanyang bahay, na binabantayan ng mga “bumbero”, minadali nitong ilabas muna ang dalawang tangke ng liquefied petroleum gas at inilagay sa kalsada.
Alam niya kasing ‘pag sumabog ang mga LPG tank, lalong kakalat at titindi ang apoy sa paligid.
Kasama ang misis niyang kapwa niya senior citizen, naghalughog pa sila ng mahahalagang gamit para maitakas sa apoy na lumilipat na sa kanilang bahay.
Paglabas nila para isama ang mga bitbit nilang valuables, kennanam, wala na ang LPG tanks.
Nawala rin ang mga nagsabing bantay raw sila ng mga biktima.
‘Pag nahuli, pwede bang ihagis agad sa impiyerno o kumukulong langis ang ganyang mga mamang bumbero at bantay salakay?
March 27, 2023 @12:25 PM
Views: 35
MATAGAL-TAGAL na rin akong hindi nabibiyahe papunta sa ibang bansa, kaya medyo malayong alaala na sa akin ang pumila at humarap sa Immigration Counter dito sa Pilipinas. Sa mga nakaraan pagkakataon, naikumpara ko ang karanasan sa mga ibang bansa, kapag lumapag ka o paalis ka na sa airprot nila.
Medyo mahigpit sa Singapore, mas magiliw sa HongKong at very professional naman sa South Korea. Mabilis at napakadali ng proseso sa Bangkok at noong nagawi naman ako sa bandang Europa, magalang naman at dire-diretso rin ang ‘inspection’ at ‘approval’ nang pagpasok mo.
Tatlong isyu ang nasaksihan na natin sa Bureau of Immigration. Una ang napakahabang pila at sobrang tagal na proseso sa ‘counters’ sa ‘departure area’. Pangalawa, ang pagkakasangkot umano ng Immigration Officers o IO sa human trafficking ng mga Pinoy na naloko para pwersahing magtrabaho bilang mga online scammer sa Cambodia. Pangatlo, ang sobra raw ka-istriktohan ng ilang Immigration Officers na humihingi ng mga dokumento na hindi naman kailangan.
Madali lang solusyunan, may I suggest lang po. Dagdag na mga kawani sa mga counter at mas maayos na pilahan ay kayang-kaya na.
Baka ‘yung tamang ‘shifting’ ng mga tauhan ay makakatulong din.
Katiwalian naman ang ugat nang pagkakasangkot ng mga IO sa mga kaso ng human trafficking.
Mabuti at na-expose ito ni Sen. Risa Hontiveros, at simple rin lang naman ang solusyon dito. Dapat tanggalin na sa serbisyo ang mga sangkot, imbestigahan at kasuhan na. ‘Pag kasi walang naparusahan, hindi matatakot ang iba at baka gumaya pa.
Pero itong kaso ng mga IO na parang nagti-trip lang ang talagang nakakainis. Hingian ka ba naman ng diploma o family picture o proof of income mo, habang nasa Immigration Counter na?
Hindi ba nila naisip na naibigay mo na lahat ang mga ito nang mag-apply ka ng visa at pumasa ka na sa mga requirements ng embassy?
Tingin ko magkahalong kabobohan at kayabangan na ito ng IO. At walang gamot sa mga katangiang ito.
March 27, 2023 @12:08 PM
Views: 43
HINDI pa rin tuluyang nawala ang Private Armed Groups sa ilang lalawigan sa bansa na ginagamit ng mga naghaharing-uring pulitiko laban sa kanilang mga kalaban sa kabila nang malawakang operasyon ng pulis at militar na buwagin ito.
Patunay d’yan ang ilang absence without leave o AWOL na militar na sumuko sa awtoridad kamakailan lang at umamin na responsable sa naganap na masaker sa pamamahay nang pinaslang na Gobernador ng Negros Oriental na si Ruel Degamo at walo pang katao.
Kadalasan ay ginagamit ang mga grupong ito ng mga pamilyang nilumot na sa paghawak ng iba’t-ibang poder sa kanilang lugar kung saan tuwing eleksyon ay naghahasik ng karahasan upang maseguro ang panalo laban sa mga kontra nila.
Bagaman ordinaryong pangitain na lang sa mga liblib na bayan lalo na sa Mindanao na may bitbit na sangkaterbang armadong alalay ang ilang pulitiko bunsod sa binabantayan daw ang seguridad nito subalit bistado ng taumbayan na ginagamit naman sila upang takutin ang kanilang kalaban sa panahon ng halalan.
Noong dekada 70 hanggang 90 na hindi pa malawakan ang pamimili ng boto,pananakot sa mga botante sa pamamagitan ng PAGs ang ginagamit ng mga itinuturing na lider ng gobyerno ngunit sa panahon ngayon na ‘andyan na ang social media kung saan mabilisang nakakakuha ng larawan o video ng sinoman kaugnay sa mga armadong grupong ito,nabawasan ang pag-galaw nila.
Hindi rin matatawaran ang mahalagang papel na ginampanan ng pulisya at militar sa paglansag ng ilang grupong ito na matagal din na namamayagpag lalo na kapag eleksyon.
Ang hindi lang maunawaan ng sambayanan kung bakit hindi pa rin tuluyang nabubuwag ang PAGs sa ilang lugar sa bansa gayong bistado naman sila ng awtoridad?
Ano nga ba naman ang laban ng grupong ito sa puwersa armada ng pamahalaan sakaling maging seryoso lang ito sa tuluyan nang paglansag ng pinaniniwalaang responsable sa mga nangyayaring political killings at karahasan dito?
Ang totoo,naging usap-usapan lang na prayoridad ng awtoridad ang pagbuwag ng PAGs makaraang bumandera na naman sa publiko ang serye ng pamamaslang ng ilang halal na opisyal kabilang na si Governor Degamo.
Ibig sabihin,tamaan na ang maiimpluwensyang pulitiko subalit kailangan tuldukan na ang karahasang ito sa pamamagitan ng malawakan at makatotohanang pagbuwag ng gobyerno sa mga grupong ito.
March 27, 2023 @11:56 AM
Views: 40
MATAGAL na ang umiiral na kasabihan na 10 beses ka na raw manakawan, huwag ka lang masunugan. Pero paano kung bukod sa nasunugan ka na, nanakawan ka pa?
Hindi na bago ang ganitong mga pangyayari at akusasyon ng mga nasunugan, lalo na kung bahay ng mga mayayaman o may kaya sa buhay ang nasunugan, kaya noon pa man ay gumawa na ng kaukulang hakbang ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection upang masugpo ang ganitong mali at hindi makataong gawain.
Pero dapat ding tandaan na hindi lamang ang mga tauhan ng BFP ang rumeresponde sa mga nagaganap na sunog kundi maging ang mga volunteer fire brigade na kung minsan ay nauuna pang dumating sa lugar kung saan nagaganap ang sunog dahil sa dami ng kanilang puwersa.
Nito lang kasing Lunes ng hapon, nasunog ang limang palapag na gusali sa Almeda St. Tondo at maswerteng wala namang nasawi o nasugatan, maliban sa nalitson ang apat na mamahaling aso ng may-ari.
Kinabukasan, kumalat sa social media ang post ng anak ng may-ari ng nasunog na gusali hinggil sa pagkawala umano ng P100,000 at $200,000 na laman ng bag at ang tanging naiwan ay mga barya.
Sa kanyang post, iniwan daw ang bag sa sahig na nakabukas at wala na ang lamang salapi, maliban sa mga barya. Ganito pa ang pahayag na naka-post sa social media “Sana, buong bag na lang kinuha n’yo, nahiya pa kayo. Only in the PH”
Hindi pa naghahain ng pormal na reklamo ang pamilya ng nasunugan dahil nasa ibang bansa pa ang anak ng may-ari pero nagu-usap-usap na raw sila kung ano ang legal na hakbang na kanilang gagawin upang maturuan ng leksiyon kung sinoman ang may kagagawan ng pagnanakaw.
Bagama’t may hinala ang pamilya na bumbero umano ang posibleng may kagagawan nito dahil sila lang ang nakapasok sa loob ng nasunog na bahay, hindi pa raw nila batid kung saan sila maghahain ng reklamo.
Kung inyong matatandaan, umugong na rin noon ang balita hinggil sa akusasyon na mga bumbero ang may kagagawan nang pagkawala ng pera at gamit nang masunog noon ang gusali ng Star City sa Pasay.
Sabi ng BFP, tanggap nila na bahagi ng kanilang trabaho ang mapagbintangan at maakusahan sa
nawawalang pera o gamit pero dapat daw ay suportahan naman ng mga ebidensiya ang akusasyon lalo na’t bukas sila sa anomang uri ng imbestigasyon kung may magrereklamo man.
Tiniyak noon ng pamunuan ng BFP na handa silang sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang kanilang mga tauhan kung mapatutunayan nangulimbat ng gamit o salapi sinoman sa kanila sa mga nasusunugan.
Sapat umano ang ang isinasagawa nilang pagsasanay sa kanilang mga tauhan at may sinusunod silang mga wastong panuntunan para matiyak na hindi maaakusahan ng pangungulimbat ang mga tauhan.
Pero alam naman natin at hindi talaga maikakaila na sa isang organisasyon, kahit ano pang uri ng pagsasanay at paglilinis laban sa mga tiwali, tulad sa Philippine National Police, may mga bulok pa rin sa kanilang hanay.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.