F2F campaign guidelines ‘di nasusunod- Comelec

F2F campaign guidelines ‘di nasusunod- Comelec

December 6, 2021 @ 1:12 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Nitong Lunes ay sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ang inaprubahan nitong alituntunin ukol sa pagsasagawa ng in-person campaign at rallies ay epektibo pagsapit pa ng Pebrero.

Sa isang panayam sa radyo, idinaing ni Comelec spokesperson James Jimenez na hindi umano nasusunod ang mga health protocols sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa paglilibot ng ilang mga kandidato para sa Halalan 2022 sa mga probinsya.

“Mukhang hindi naman [nasusunod]. For one thing, hindi pa applicable ang guidelines namin. Kakagat pa lang ‘yan pagdating ng Pebrero. February 8 for national [candidates], March 25 for local candidates,” giit ni Jimenez.

“Pero sa nakikita natin ngayon, nilabas nga natin nang maaga para sana may guidelines ang mga kandidato pero wala, ‘di naman sinusunod, siksikan pa rin ang mga tao,” patuloy pa niya.

Sinabi rin ng tagapagsalita ng poll body na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nakatalagang bantayan ang election-related activities sa labas ng campaign period.

“Kaya natutuwa kami na nananawagan ang DILG patungkol sa mga rally na ‘yan na maging maingat ang mga kandidato. Kami dinadagdag namin ang panawagan ng DILG dahil sa totoo lang, ‘yan ang authority sa ngayon,” pahayag ni Jimenez.

Nitong Nobyembre, inanunsyo ng Comelec na ituturing na election offenses ang mga paglabag sa safety protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic sa pagsasagawa ng pangangampanya para sa gaganaping halalan sa Mayo 9, 2022.

Kahit na mga taga-suporta ang nag-organisa ng mga aktibidad, nilinaw ni Jimenez na posibleng ang mga kandidato ang managot sakaling mapatunayang may paglabag sa health protocols.

“Kung ang kandidato ay pumayag, possible na umabot sa kanya ang kaso. Pero kailangan patunayan na meron syang involvement doon,” aniya.

“Ang violation ng aming rules ay isang election offense which means puwede silang makasuhan ng disqualification,” dagdag pa ni Jimenez. RNT/SA