F2F classes, pinaka-epektibo sa estudyante – VP Sara

F2F classes, pinaka-epektibo sa estudyante – VP Sara

October 19, 2022 @ 4:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naniniwala si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na pinaka-epektibo pa rin ang pagsasagawa ng face-to-face classes upang matuto ang mga estudyante.

Ito ang ibinahagi ng Bise Presidente sa 48th Philippine Business Conference and Expo nitong Miyerkules, Oktubre 19 kung saan tinawag pa niya itong “best option.”

Binanggit din niya ang kamakailan ay ipinalabas na DepEd Order No. 44 na pumapayag sa mga pribadong paaralan na magpatuloy sa blended learning modality o kombinasyon ng face-to-face classes at distance learning sa kabuuan ng school year pagsapit ng Nobyembre 2.

“DepEd is cognizant of the current situation of private educational institutions due to the impact of the COVID-19 pandemic. We allow them to recoup their investments in online learning technologies, the development and institutionalization of best practices in blended learning, and the unfortunate closure of small private schools,” ani Duterte.

Sa kabila nito, pinaalalahanan niya ang mga magulang at mag-aaral na huwag palampasin ang pagkakataong matuto na epektibong magagawa sa limang araw na in-person classes.

Pagsapit ng Nobyembre 2, ang mga pampublikong paaralan ay magbabalik na sa full implementation ng face-to-face classes maliban na lamang kung kakanselahin ito ng Regional Director dahil sa mga kalamidad. RNT/JGC