F2F classes sa 2 paaralan sa NCR umarangkada na

F2F classes sa 2 paaralan sa NCR umarangkada na

December 6, 2021 @ 1:48 PM 10 months ago


MANILA, Philippines-  Sinimulan na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang limitadong “face-to-face class” kung saan ginanap ang “pilot implementation” nito sa dalawang pampublikong paaralan sa nasabing lungsod ngayong araw.

Pinangunahan ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pagbisita sa Aurora Quezon Elementary School at Ramon Avancena High School kung saan ginanap ang limitadong face-to-face na klase.

Sa Aurora Quezon Elementary School, nasa 60 estudyante mula Kinder hanggang Grade 5 level ang kalahok sa pilot run, habang nasa 15 senior high na estudyante naman ang nasa Ramon Avancena High School.

“Napakaimportante nito dahil iba pa rin kasi talaga ang ginagawa natin na pagtuturo at pag-aaral kapag face-to-face,” ani Lacuna.

“May interaksyon kasi kapag ganito, nawala kasi yung interaction natin sa mga bata (ngayong pandemic). So talagang looking forward sila na makabalik sa kanilang mga schools,” dagdag pa nito.

Kasama ni Lacuna sa isinagawa nitong inspeksyon sa dalawang nabanggit na paaralan sina 3rd District Congressman Yul Servo-Nieto at Division of City Schools Head Dr. Magdalena Lim.

“Ia-assure natin ang mga magulang na we’ll be following strict protocols para sa mga anak nila para protektado po sila this face-to-face classes,” ayon pa kay Lacuna. JAY Reyes