F2F classes suportado pa rin ng DOH sa banta ng XBB, XBC subvariant

F2F classes suportado pa rin ng DOH sa banta ng XBB, XBC subvariant

October 19, 2022 @ 7:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) na patuloy pa rin ang suporta nila pagpapatupad ng face-to-face classes sa kabila ng pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19 at pagkakatuklas ng XBB subvariant at XBC variant sa bansa.

Sinabi ni Health Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire na negatibo ang epekto ng pandemya sa mga bata at tiniyak na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng makakaya nila upang mapabuti hindi lamang ang sitwasyon ng COVID-19 kundi pati na rin ang mental health ng mga estudyante.

“Magtutuloy-tuloy tayo. Importante may safeguard tayo. Ipagpatuloy natin ang paghikayat sa pagbabakuna ng mga kabataan, teachers, non-teaching personnel,” sabi ni Vergeire.

Aniya, kailangan siguruhin ang patuloy na surveillance at monitoring sa mga paaralan at bentilasyon sa bawat silid.

Nauna nang sinabi ng Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ng isang department order na lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay dapat lumipat sa full face-to-face classes simula Nobyembre 2.

Gayunpaman, noong Lunes, naglabas ito ng bagong kautusan na nagpapahintulot sa mga pribadong paaralan sa bansa na magpatuloy sa pagpapatupad ng distance at blended learning pagkatapos ng Nobyembre 2. Jocelyn Tabangcura-Domenden